Home OPINION HUWAG ITULOY PAGKADISMAYA NG MGA PINOY

HUWAG ITULOY PAGKADISMAYA NG MGA PINOY

302
0

SA gitna ng usapin nang pinakamatinding korapsyong nangyari sa bansa, lumalakas ang pakiramdam ng maraming Pilipino na tila walang malinaw na direksyon ngayon ang bansa.

Lahat kasi ay naghihintay ng mga namumuno na kayang magpaliwanag at sumagot kung paano haharapin ang magulong sitwasyon at kung paano makakamit ng taumbayan ang hustisya.

Sa isang panayam kay Senator Alan Peter Cayetano, sinabi niya na hindi lang isang opisina o isang tao ang problema dahil sabay-sabay na pumapalya ang hanay ng mga lider, kasi nga, marami ang abala sa bangayan, marami ang inuuna ang pulitika, marami ang takot na maipit kaya walang nabubuong malinaw na plano para sa taumbayan.

Ito ang dahilan at katotohanan kung bakit hindi umuusad ang mga proyekto at ito rin ang dahilan kung bakit nagdududa ang publiko sa takbo ng mga imbestigasyon.

Habang abala ang mga lider sa pagdepensa sa sarili o sa paghabol sa kalaban, nawawala ang kinakailangang direksyon para umayos ang bansa. Tayo tuloy na nasa laylayan ang nagbabayad sa ganitong klaseng sitwasyon.

Araw-araw nating naririnig ang halaga ng mga perang kinukurakot. Araw-araw tayong humaharap sa parehong problema. Patuloy nating nakikita ang lumalalang sitwasyon habang ang mga dapat magbigay ng direksyon ay hindi makapagsulong ng malinaw na hakbang.

Mabigat ang punto ni Cayetano, baka gusto lang marinig ng ibang lider ng bansa na kapag hindi nagbago ang kanilang asal, mananatili tayong magulo kasi nga, tila nauubos na ang tiwala ng marami sa sistema.

Kung tutuusin, hindi naman humihingi ang publiko ng perpektong gobyerno, ang hinihingi lang ay tamang direksyon, tapang laban sa katiwalian at tunay na paggamit ng kapangyarihan para protektahan ang mga nasa laylayan ng lipunan.

Kung gusto ng mga opisyal na maibalik ang tiwala ng taumbayan, kailangan nilang tanggapin ang kanilang pagkukulang, kailangan nilang iwasto ang kultura ng bangayan at personal na interes at bumalik sa tungkulin na unahin ang Pilipino.

Ito ang hinihintay ng mamamayan, handa ang bansa na umusad pero ang tanong lang ay kung kikilos ba ang mga leader para sa bayan o pipiliin nilang manatiling nakatali sa pulitika? Sana naman, huwag ninyong hayaan na patuloy kayong maging dahilan ng pagkadismaya ng taumbayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here