ISA tayo sa nagalit– hanggang ngayon– sa balita ng ating mga kasamahan sa Calabarzon Press Corps hinggil sa 14 na unipormadong kriminal ng Calabarzon PNP Special Operations Unit, Drug Enforcement Group na namasok ng bahay at nanggahasa pa ng 18-anyos na Grade 9 student.
Hindi pa nakuntento, pinagnakawan pa ng cellphone, motorsiklo at pera ang pamilya at siyempre, pinagbantaan pa ang kanilang biktima Naganap ang insidente nitong Sabado sa isang bahay sa Talaba 3, Bacoor, Cavite.
Sabagay nga, hindi na bago ang ganitong balita kung saan palaging “kakumpitensiya” ng PNP ang Kongreso bilang ‘biggest criminal organization in the Philippines.’
Mabuti na nga lang din at rumesponde ang mga totoong pulis sa katauhan nina Bacoor Chief of Police PLTCOL Alexie Desamito at PCPT. Herminigildo Soriano at naaresto ang grupo ng mga kriminal.
Alam ba ninyo, mga kabayan kung saan nasakote ang mga walanghiya? Sa mismong headquarters ng SOU-DEG sa Camp Vicente Lim, tama ba, RD Kenneth Lucas?
Ang insidente, sabihin pa ay isang “ebidensiya” kung bakit walang kwenta ang kampanya ngayon ng gobyerno sa iligal na droga at kriminalidad at walang kapanatagan ang kalooban ng ating mga mamamayan.
Aber, kung pulos lakad sindikato ang alam ng mga “tagapagpatupad ng batas” at sila mismo ang mga kriminal, eh, saan kaya tayo pupulutin nito, dear readers? Korapsyon, krimen, karahasan na ang mga gumagawa ay mga taong gobyerno! Hindi ba nakakagalit ang ganyan?
Sa imbestigasyon, nakunan din ng mga shabu ang mga suspek na ang ibig sabihin? Sila na rin mismo ang nagtutulak ng droga!
O kaya naman, sila na mismo ang gumagamit nito, ibig sabihin, mga adik! Pwede rin ginagamit nila ito sa kanilang “tanim-droga” operation para makapang-blackmail ng malaking pera sa kanilang mga biktima.
Hindi malayong “mabanlawan” lang sa dakong huli ang kasong ito at sa halip na alisin, mabigyan pa ng promotion ang mga animal.
Kaya huwag nating kalimutan ang mga pangalang ito (arestado): PLT. Ram Rojun Pastor; PMSgt. Kristian Roxas Vega; Cpls Marvin Jae Francisco Abella; John Michael Salita Aga; Ronnie Garcia Lising; Patrolman Jimmer I. Domingo Vendiola; Crisanto Baraquel Gicoso; Jefferson Veloria Calma; (at large) PCpls Jerome V. Roxas; Dondee Great C. Olog; Patrolmen Alexander B. Verzosa; Edward D. Tagadtad; Raymart E. Laciste; at, Richard M. Saet.
Huwag natin silang tantanan!






