MULING bumulaga sa publiko ang malagim na trahedya sa Antipolo matapos ang isang banggaan sa Sumulong Highway, Barangay Dela Paz nitong Martes ng umaga. Tatlo ang nasawi matapos umanong araruhin ng isang 10-wheeler truck ang ilang motorsiklo at sasakyan.
Isa sa mga biktima ang idineklarang dead on arrival sa ospital base sa kumpirmasyon ng city police.
Ayon sa Antipolo Public Information Office, kabilang sa nasawi ang truck driver na naipit sa kaniyang upuan at isang motorcycle rider na naipit naman sa ilalim ng trak. Sa isang kisapmata, nagbago ang buhay ng mga pamilyang naiwan.
Sa gitna ng paulit-ulit na trahedya sa mga matatarik at mataas na volume na kalsada tulad ng Sumulong Highway, malinaw na may mas malalim na problema kaysa simpleng “human error.” “Nawalan ako ng preno,” ito ang karaniwang ‘alibi’ ng ilang driver na sangkot sa road crash incident.
Dito lumulutang ang kahalagahan ng pagkakaroon at pagpapatibay ng Philippine Transportation Safety Board. Ang PTSB, bilang isang independent agency, ay may mandatong magsagawa ng malalim, siyentipiko, at walang kinikilingang imbestigasyon sa mga aksidente sa transportasyon—land, air, at sea.
Sa pamamagitan ng PTSB, masisiguro na ang mga imbestigasyon ay hindi lamang nakatuon sa paghahanap ng may sala, kundi sa tunay na ugat ng problema tulad ng depektibong preno, kakulangan sa vehicle inspection, overloading, pagod na mga driver, mga road design na matagal nang hindi nasusuri, at iba pa. Mahalaga ito dahil mula sa mga natuklasang findings ng PTSB, makabubuo ang gobyerno ng malinaw at evidence-based na polisiya upang maiwasan ang mga fatal accident at mapababa ang minor road crash incident sa buong bansa.
Sa ngayon, ang mga aksidente ay tila nagiging normal na balita bawat linggo—isang katotohanang hindi natin dapat tanggapin. Mali rin ang mga paniniwalang “ang aksidente ay hindi maiiwasan” o “wala tayong magagawa sa mga biktima, dahil oras na talaga nila.”
Ang trahedya sa Antipolo ay hindi dapat ituring na karaniwang aksidente lamang. Isa itong matinding paalala na napapanahon nang pag-ibayuhin ang road safety.
Kung tunay nating pinahahalagahan ang bawat buhay sa kalsada, kailangang bigyang puwang ang pagsasabatas ng PTSB. Dagdag pa rito ang katiyakang gumagana, may pondo, at may buong kapangyarihan ang panukalang ahensiya.
Para sa isang bansang umaasa sa araw-araw na pamumuhay sa kalsada, ang kaligtasan ng driver, pasahero at publiko ay hindi dapat maging option—isa itong karapatan at obligasyon na maipakikita at maihahatid sa pagkakaroon ng PTSB.






