Home OPINION PROBLEMA, HINDI DAPAT LUMALA

PROBLEMA, HINDI DAPAT LUMALA

228
0

MULI kaming nagkita noong Martes ng aking kaibigan at kilalang ‘anti-crime and corruption advocate’ at pilantropo na si Dr. Carlo Magno Batalla.

At siyempre, sa mga kaibigan na matagal nang hindi nagkita, palaging masarap balikan ang mga pinagsamahan katulad ng kanyang mga adbokasiya sa paglaban sa katiwalian.

May panghihinayang na napag-usapan namin ang pagsasampa niya ng kaso noong 2022 sa higit 40 kontraktor at mga kasabwat nilang mga korap na opisyales ng Department of Public Works and Highways.

Hanggang sa sumambulat na parang bomba ang daang bilyones na ‘flood control project scam,’ alam ba ninyo, mga kabayan na kahit 5 porsiyento pa lang ang nagawa sa proyekto at notoryus sa ‘slippages’ ang kontraktor, eh, binibigyan pa rin ng sandamakmak na proyekto ng DPWH– kahit alam ng mga “bosing” na paglabag ito sa mismong alituntunin ng ahensya?

Ganyan sila kagarapal d’yan sa DPWH at ngayon, dahil sa mga imbestigasyon at pagbubulgar ng mga sangkot sa flood control project scam, alam na natin kung bakit.

Ang masahol pa, sa pag-upo ni Secretary Manuel Bonoan, kinansela ang partisipasyon ng Crime and Corruption Watch bilang ‘observer’ sa mga ‘bidding’ sa DPWH. Ngayon alam na rin natin kung bakit.

Naisip tuloy namin ni Chairman Carlo, marahil, kung “sineryoso” ng DPWH ni Bonoan at ni Ombudsman Samuel Martires ang mga isinampang reklamo ng CCWI, hindi na siguro “lumala” ang problema natin sa korapsyon sa DPWH?

Hindi na rin marahil aabot sa ganitong yugto na daang bilyones ang ibinubulsa ng mga korap dahil kahit paano ay “matatakot” sila sa aksyon ng Ombudsman?

Kung positibong inaksyunan ng OMB ni Martires ang mga reklamo sa higit 40 kontraktor at mga kasabwat nila at hindi pinalusot sa teknikalidad, malinaw, malakas sana ang mensahe: May parusa sa mga korap!

Pero dahil si Ombudsman Boying ‘My Bossman’ Remulla na ang nasa pwesto ngayon, malaki ang ating paniwala na makakikita na tayo ng mga totoong pagbabago.

Abangan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here