ANG magnanakaw, always magnanakaw!
Ito ang lumalabas na katotohanan makaraang madiskubre nina Senador Ping Lacson at Loren Legarda ang pagkakaroon ng P500 bilyong bahagi ng 2026 panukalang badyet para sa “allocable” at “non-allocable” na pondong pang-imprastraktura ng Department of Public Works and Highways.
Ang nasabing P500B ay nahati sa P400B allocable na para umano sa mga distrito ng mga kongresman at P100 non-allocable para sa pambansang proyekto.
Para kay Sen. Ping, pork barrel o pagkakakitaan ng mga kongresman ang non-allocable at hindi basta mapagkakitaan naman ang non-allocable ngunit hindi malinaw kung saan ilalagay ito.
Sa pagsusuri sa P400B, anak ng tokwa, may P145B umano para sa mga lider ng Kamara at iba pa ang para naman sa mga partylist.
Kung bakit may malaking pagdududa pa rin sa allocable ay batay sa pagkakaroon ng pondo na ihahanapan pa ng proyekto.
Kabaligtaran ito sa dapat na mangyari na may panukala munang proyekto na detalyado bago ito ihanapan o lagyan ng pondo.
Kita ninyo, mga Bro?
Malamang nga na may nagnanasa na magnakaw.
Ito’y sa kabila ng pukpukan nang pagkilos ng gobyerno na durugin ang korapsyon sa pamahalaan.
HANAPIN KUNG SINO SILA
Kung sino-sino ang mga nagtatangka na pagkakaperahan pa rin ang 2026 budget, dapat kilalanin nang husto.
Sino-sino ang mga lider ng Kamara, halimbawa, na nagnanais ng malaking tipak ng allocable na mga pondo?
Kasama ba ang House Speaker, ang Majority Floor Leader, ang mga Deputy Speaker, Chairman ng House Appropriations Committee?
Ang mga ito kasi ang pinagbintangang mga nangkorner ng nakaraang 2025 budget sa mga imbestigasyon ng Senate Blue Ribbong Committee at nakatulong dito ang testimonya mismo ni Navotas City Congressman Toby Tiangco at napag-alaman din mismo ni Sen. Dante Marcoleta noong kongresman pa siya.
Mauulit ba ang kasaysayan?
Sino-sino rin ang pupwedeng maambunan?
HINDI NA NATUTO
Kung totoo na pork barrel ang P500B o kaya ang P400B, palatandaan ito ng hindi magandang pangyayari.
‘Yun bang === nagkakaimbesigahan at nagkakademandahan na’t lahat, meron pa ring gustong magkwarta sa buwis ng taumbayan.
Kwarta na maliwanag ang pagkakaroon ng mga kikbak na ngayo’y hindi na lang 10% o 15% kundi 25-30%.
Itong 10% kikbak, noong panahon umano ni ex-President Noynoy Aquino at 15% noong nakaupo naman si ex-President Digong Duterte.
Lumundag na lang sa 25-30% ang kikbak ngayong nakaupo si Pres. Bongbong Marcos.
DPWH NABUBUDOL NG MGA KURAKOT
Sinasabi ni Public Works Secretary Vince Dizon na wala nang insertion o pagkakitaang iligal ng kahit sino sa lahat ng proyekto ng kanyang ahensya.
Batay umano ito sa masusing pagsusuri sa badyet ng ahensya na kanilang isinumite.
Subalit paano nagkaroon ng P500B pork barrel o pagkakakitaan na naman ng mga tiwali sa pamahalaan?
Kung totoong wala nang pork barrel sa DPWH, paano at sino nga ang nagpasok nito sa DPWH?
Galing ba sa hanay ng mga kongresman o Palasyo?
Magbantay tayo lahat, mga Bro.
Tama na ang kurakutan.






