Home OPINION BUMAHA PERO HINDI LANG DPWH

BUMAHA PERO HINDI LANG DPWH

245
0

BINAHA na naman ang maraming lugar sa Visayas at Mindanao nang manalasa ang bagyong Verbena bagaman may kahinaan ito kung ihahambing sa mga naunang Tino at Uwan.

Sa kasalukuyan ay nag-aapoy ang isyu sa tinarantadong flood control projects ng Department of Public Works and Highways kaya pihadong lalong magliliyab ang galit ng publiko tuwing bumabaha sa iba pang mga lugar.

Hindi kailanman lalamig ang naturang isyu dahil tuwing may pag-ulan o bagyo ay bumabaha lalo na yung mga dati naman na hindi binabaha pero ngayon ay biglang binaha na madalas nagiging resulta ng pagkamatay ng ating mga kababayan.

Gaya nang naganap sa Cebu City kung saan marami ang namatay at nasirang mga ari-arian na muling dumagdag sa iimbestigahan ng Independent Commission in Infrastructure at ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon.

Maaari na naman itong madagdagan matapos ang bagyong Verbena dahil binaha ang mga lugar na dinaanan nito tulad doon sa lalawigan ng Antique at Negros Island Region na sinasabing dati naman ay hindi binabaha. Nalintikan na naman ang mga kontratistang mandarambong!

Sa tingin ng marami, dahil sa tinarantadong flood control projects ng DPWH, subalit gaya ng nangyari sa Cebu City kung saan lumalabas na may ambag din sa trahedyang naganap ang kapalpakan ng iba pang ahensya ng gobyerno.

Paano na kung hindi lang imprastraktura o DPWH projects ang dahilan ng pagbaha? Hindi pwedeng manghimasok ang ICI kung ang dahilan naman ng pagbaha ay dahil sa iligal na pagtotroso na sanhi ng pagragasa ng tubig-baha sa mga kabahayan mula sa kabundukan.

Kahit marahil naging parehas ang kontratista sa paggawa ng mga proyekto ay hindi uubra ang ginawang tibay at disenyo ng DPWH engineers kung ang rumaragasang tubig ay tila mula sa nawasak na prinsa o dam kaya umaapaw sa mga daanan ng tubig patungo sa mga kabahayan.

Malinaw na sa publiko na dahil sa tinarantadong proyekto ng DPWH kaya may pagbaha subalit dapat maunawaan din natin na isa lamang ito sa mga dahilan. May kapabayaan din ang iba pang ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Environment and Natural Resources.

Hindi rin dapat mawala sa eksena ang kapabayaan ng mga lokal na pamahalaan na pumapayag magtayo ng mga bagong imprastraktura gaya ng mga tinatawag na ‘residential subdivision’ kaya ang dating hindi binabaha ay binabaha na ngayon. Sec Jonvic, Sec Popo… kilos na!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here