Home OPINION TAMA NA PALUSOT AT DRAMA

TAMA NA PALUSOT AT DRAMA

334
0

TAPOS na ang panahon ng palusot, drama, at ‘script-writing’ para mailigtas ang mga makapangyarihan. Sa wakas, napasama na sa mga dapat kasuhan si Martin Romualdez.

Matagal ding hindi lumilitaw ang pangalan ng dating Speaker sa listahan ng mga dapat sampahan ng kaso. Ayon kay Secretary Vince Dizon, nito lamang mga nakaraang linggo nabuo ang kaso laban kay Romualdez, matapos pagsama-samahin ang dokumento at datos mula sa mga proyekto ng Sunwest Corporation sa loob ng maraming taon.

Naging napakahalaga ng sinumpaang salaysay ni Sgt. Orly Guteza, na detalyadong naglahad ng personal na paghatid ng pera sa mismong tahanan ng dating Speaker.

Idinagdag pa ni Dizon na isinama rin nila ang mga resulta ng mga panayam ng ICI kay Romualdez mismo. Ang mga ito ang bumuo sa rekomendasyong kanilang inihain sa Ombudsman.

Sa kanyang manifestation sa plenary, pinuri ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang administrasyon dahil hindi ito nagpaikot, hindi nagpabulag, at hindi nagpagamit sa sarswelang sinusubukang iligaw ang imbestigasyon.

Ayon pa mismo kay Dizon, wala silang sinunod na script, tanging ebidensya lamang. At ito ang dahilan kaya direkta nilang inirekomenda ang pagsasampa ng kaso laban kina Romualdez, Zaldy Co, District Engr. Henry Alcantara, Undersec. Bernardo, Hernandez, at iba pa.

Hindi biro ang hakbang, lalo’t pinsan ng Pangulo ang isa sa pangunahing dawit. Malaking bagay na sinabi ni Dizon na wala silang takot, walang pangamba, at walang pag-aatubili sa kanilang ginawa. Mismong ang Pangulo ay nagsabing “Kung saan tayo dalhin ng ebidensya, doon tayo pupunta. Walang exempted. Walang sagrado.”

Heto ngayon ang ating subaybayan: Saan tayo dadalhin ng Ombudsman?

Malinaw na malakas ang kaso, may testimonya, hindi hearsay, hindi kwento-kwento, kundi firsthand accounts gaya ng inilahad ni Sgt. Orly Guteza. Malinaw din na pati dokumento at historical patterns ng proyekto ng Sunwest Corporation ay tugma sa mga reklamong isinampa.

Hindi pwedeng maging malamya ang trato kay Romualdez. Hindi pwedeng lumambot ang tugon ngayong ang kaso ay nasa prosecutorial stage na. Hindi pwedeng magbulag-bulagan sa bigat ng ebidensya, sa testimonya, sa dokumento, at sa mismong rekomendasyon ng executive agencies na naatasang mag-imbestiga.

Galing na mismo sa Pangulo, kasama ang DPWH at ICI, ang rekomendasyon na sampahan ng kaso ang mga pangunahing personalidad sa flood control scandal.

Hindi na uubra ang selective justice. Hindi matatanggap ng taumbayan na mauwi sa wala ang pinakamalaking pagkakataon para panagutin ang mga nasa tuktok ng kapangyarihan. Nasa Ombudsman ngayon ang bola. Naghihintay ang taumbayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here