MATAGAL nang kinikilala ang La Loma bilang “puso ng lechon sa Pilipinas,” isang lugar na hindi lamang pinagkukunan ng “star ng lahat ng handaan” kundi bahagi na rin ng ating kultura at kasaysayan. Kaya naman ang balitang ASF-free na ngayon ang 14 na lechon establishment sa La Loma ay hindi lamang simpleng magandang balita sa kalusugan ng mga baboy, ito ay tagumpay para sa buong Quezon City at sa sambayanang Filipino na patuloy na nagtitiwala sa ating lokal na industriya ng pagkain.
Matatandaan na noong November 13, 2025, naglabas ng temporary closure order ang lokal na pamahalaan, isang desisyong maaaring masakit para sa ilang negosyante ngunit kinakailangan para maiwasan ang mas malalang pagkalat ng African Swine Flu (ASF). Sa loob lamang ng isang Linggo, nagsagawa ng araw-araw na disinfection ang mga establisimyento, katuwang ang City Veterinary Department at QC Health Department, bilang pagsunod sa memorandum ng Bureau of Animal Industry (BAI).
Ang mabilis at sistematikong pagtugon na ito ay patunay na kapag magkasama ang pamahalaan at pribadong sektor, mas mabilis na nakakamit ang ligtas at malinis na produksyon ng pagkain.
Bilang nagsusulong at tagapagtaguyod ng pampublikong kalusugan, natutuwa akong makita na hindi lamang disinfection ang ipinag-utos, isinama rin ang mahigpit na pagpapatupad ng sanitary, safety, at health protocols. Ito ang uri ng preventive action na dapat ay matagal nang bahagi ng ating pang-araw-araw na operasyon, lalo na sa mga industriyang direktang nakaaapekto sa kalusugan ng publiko.
Sa ngayon, tatlo pa lamang sa 14 na establisimyento ang nabigyan ng lifting order, isang malinaw na indikasyong hindi basta-basta bumabalik sa operasyon ang sinoman hangga’t hindi kumpleto ang pagsusuri at pagsunod sa regulasyon. At para sa akin, ito ay positibong tanda.
Nakapagbibigay ito ng kumpiyansa sa mamimili na ang lechon na kanilang binibili ay mula sa lugar na hindi lamang masarap, kundi ligtas at pinagdaanan ng tamang pagsusuri.
Gayunpaman, mahalagang hindi dito nagtatapos ang laban. Ang ASF ay sakit na madaling kumalat at matagal bago tuluyang mawala sa isang lugar kung hindi maayos na minomonitor.
Kaya’t nararapat lamang na ipagpatuloy ng lokal na pamahalaan ang pakikipagtulungan sa mga negosyante upang masiguro na lahat ay tuloy-tuloy na sumusunod sa protocol hindi lamang ngayon kung kailan marami ang mamimili ng lechon, kundi sa bawat araw na sila’y nagnenegosyo.
Para sa mga establisimyentong naghihintay pa ng kanilang lifting order, sana’y magsilbi itong pagkakataon upang lalo pang paigtingin ang kanilang pagsunod sa wastong proseso. Tandaan natin: Ang kaligtasan ng publiko ay hindi dapat ipinagpapaliban. Ipagpatuloy rin nawa ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng tulong sa mga apektadong manggagawa na nawalan ng kita lalo na yaong sa lechonan lamang umaasa.
Sa huli, ang pagiging ASF-free ng La Loma ay hindi lamang tagumpay ng pamahalaan, kundi tagumpay ng komunidad.
Hindi ba’t mas masarap ang lechon kapag alam nating ligtas at mas panatag ang puso kapag alam nating lahat ay nagkakaisa para sa kalusugan ng bayan.






