ANG paggigiit ng Department of Trade and Industry (DTI) sa halagang Php500.00 lamang kasyang-kasya na sa isang simpleng Noche Buena ngayong kapaskuhan.
Para sa tatlong mambabatas ng House of Representatives ang nanawagan sa kagawaran na unahin munang pababain ang presyo ng mga pangunahing pagkain bago magbigay ng “tip” para sa Noche Buena.
Kinuwestiyon nina Representatives Terry Ridon ng Bicol Saro party-list, Percival Cendaña ng Akbayan party-list, at Antonio Tinio ng ACT Teachers party- list ang naging basehan ng DTI sa tinatayang halaga ng mga pagkain para sa Noche Buena, na ayon sa kanila ay malayo sa realidad.
Ayon kay Rep. Cendaña, sapat lamang ang Php500 kung babalik sa nakaraan. Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, sinabi niyang ang ganitong uri ng pahayag mula sa DTI ay nakasasakit.
Sumakit din ang damdamin ni Rep. Tinio dahil nasabi ito ng kagawaran lalo na’t may mga iskandalo sa korapsyon na yumanig sa bansa nitong taon.
Itinanong ng kongresista kung paano masasakripisyo ng DTI ang dignidad ng mga pamilyang Filipino sa pamamagitan ng pahayag nitong sapat na ang Php500.00 para sa isang Noche Buena.
Binanggit niya na animo’y “pansit, itlog, at tubig” lamang ang kakayaning ihain sa ganitong halaga, at iginiit niyang isang insulto ito sa bawat Filipino na nagtatrabaho at pilit na nagsusumikap na makaraos sa bawat araw.
Dagdag ni Rep. Cendaña, tila para lamang sa “imahinasyong pamilya” ang Php500.00 na Noche Buena. Aniya, simula pa noong 2022, sinasabi nila na sapat na ang Php500.00 para sa isang maayos na Noche Buena, marahil aniya ay iniisip ng DTI na para ito sa pamilya na nasa OMAD o one meal a day diet ngayong Pasko.
Matatandaan na sa isang panayam, sinabi ni Secretary Cristina Roque na kayang makabili ng ham, makagawa ng macaroni salad, at magluto ng spaghetti sa halagang Php500.00.
Hindi rin ito ang unang pagkakataon na iminungkahi ng DTI ang ganitong halaga; noong Disyembre 2022, sinabi rin nila na sapat ang Php500.00 para sa Noche Buena ng limang miyembro ng pamilya basta pumili lamang ng mas murang variant ng pagkain.
Sa gitna ng batikos, nananatiling hamon sa pamahalaan ang tunay na kakayahan ng mga pamilya na makapagdiyeta sa Pasko sa kabila ng mataas na presyo ng pagkain.
Marami ang nananawagan na mas unahin ang pagbaba ng presyong bilihin kaysa sa pagbibigay ng “tip” na tila out of touch sa realidad.






