Home OPINION PBBM NAPAHANGA SA PROYEKTONG PABAHAY NI YORME ISKO

PBBM NAPAHANGA SA PROYEKTONG PABAHAY NI YORME ISKO

314
0

HINDI napigilan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang humanga nang personal niyang masilayan ang 20-palapag na San Lazaro Residences, isa sa mga in-city vertical housing projects na ipinagawa ni Mayor Isko Moreno Domagoso sa unang termino nito. Dumalo ang Pangulo sa inagurasyon matapos imbitahan ni Yorme, at agad niyang nakita kung bakit malaking pagbabago ang hatid ng proyektong ito para sa Maynila.

Ayon kay Pangulong Marcos, kahanga-hanga ang konsepto at disenyo ng pabahay—parang modernong condominium na hindi lang basta tirahan, kundi kumpleto pa sa health facilities at malawak na espasyong pangkomunidad. Aniya, puwedeng gawing modelo ng ibang LGU ang ginawa ni Yorme dahil malinaw na pinag-isipan at mabilis na naisakatuparan.

Lalo pang namangha ang Pangulo nang malamang tatlong buwan lang matapos mahalal si Isko ay nakumpleto agad ang matagal nang nakatenggang proyekto. Nasambit pa niya, napakapalad ng mga taga-Maynila dahil may lideratong “mabilis kumilos, madaling umunawa, at agad nakahanap ng solusyon.” Pabirong dagdag pa niya—si Yorme na lang sana ang mag-in-charge sa national housing program para mabilis ang pagpapatupad.

Sa laki ng potensyal ng ganitong klaseng proyekto, sinabi ng Pangulo na kung ganito ang direksyon ng LGUs at national government, tiyak na mas maraming Pilipino ang makikinabang. Hindi aniya nakapagtataka kung bakit pangarap pa lamang ito para sa NHA at DHSUD, ngunit realidad na sa Maynila.

Sa kabuuang 382 residential units mula ika-5 hanggang ika-20 palapag, 193 ang nakalaan para sa health workers ng lungsod, habang 189 naman ay ira-raffle sa mga kwalipikadong Manilenyong wala pang permanenteng tirahan. Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpapa­upa o pagbebenta ng unit; sa halip, magbabayad lang ng kontribusyong ₱2,000–₱3,000 buwan-buwan ang mga benepisyaryo, na maibabalik sa kanila kung sakaling umalis sila, maliban na lamang sa gastos sa anumang sira sa unit.

Samantala, ang unang apat na palapag ay inilaan sa modernong Manila Public Health Laboratory at Lanuza Health Center—isang malaking tulong sa mahihirap na ina at pamilyang nangangailangan ng regular na serbisyong medikal.

Nagpasalamat si Yorme Isko kay Pangulong Marcos sa pagkilala sa kanilang mabilis na trabaho. Para sa kanya, malaking karangalan na ang sariling proyekto ng Maynila ay naging inspirasyon pa para sa pambansang pamahalaan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here