MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na maaaring ikonsidera ng gobyerno ang pagbibigay ng reward o pabuya sa pag-aresto kay dating Ako Bicol congressman Zaldy Co, nagbitiw sa puwesto at kasalukuyang nahaharap sa korapsyon at malversation charges na may kaugnayan sa flood control projects controversy.
Tinanong kasi si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing sa Malakanyang kung kinokonsidera ng gobyerno na magbigay ng pabuya para sa mabilis na pag-aresto kay Co.
Sinabi ni Castro na walang pormal na pag-uusap sa bagay na ito, subalit maaaring ikonsidera ang pagbibigay ng pabuya.
“Sa ngayon po, wala pong napag-uusapan sa ganiyan. Pero since nadinig po sa inyo, maaari po siguro ikonsidera. Pero as of now, wala pa pong napag-uusapan tungkol diyan,” ayon kay Castro.
Binigyang diin pa ni Castro na ang mungkahi na magbigay ng gantimpala para sa pagdakip kay Co ay isang “good suggestion.”
“Ang Pangulo po ay nag-utos na rin po na hanapin at pauwiin dito si Zaldy Co. Lahat po ng ahensiya na concerned, dapat pong alamin at makatulong para mapabalik po agad si Zaldy Co sa Pilipinas,” sinabi ni Castro.
Hindi kinumpirma ni Castro ang mga ulat na nasa Portugal si Co, at sinabing patuloy pa ang beripikasyon ng mga ahensiya sa kanyang aktuwal na kinaroroonan bilang bahagi ng kanilang koordinadong hakbang.
Nauna nang iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pag-aresto kay Co matapos maglabas ng warrant of arrest laban sa tumakas na mambabatas. (KRIS JOSE)