MANILA, Philippines – Kailangang kumilos ang Office of the Solicitor General (OSG) nang naaayon sa batas at sa kanilang mandato, nang walang pinoproteksyunang interest ng iilan.
Ito ang naging reaksyon ng Malakanyang kasunod ng hakbang ng OSG na humiling sa Korte Suprema na tanggihan ang hiling ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ng temporary restraining order (TRO) laban sa diumano’y warrant of arrest na inisyu ng International Criminal Court (ICC).
Ayon sa OSG, hindi pa malinaw na may konkretong aksyon o banta ng pag-aresto kay Senador Bato kaya walang sapat na basehan para sa TRO.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ginagampanan lamang ng OSG ang kanilang tungkulin at itinatama ang dapat maitama nang naaayon sa batas.
Tinutukoy dito ang dating pagdistansiya ni dating OSG Meynard Guevarra sa pamamagitan ng manifestation and motion for recusal upang huwag maging abogado ng gobyerno sa habeas corpus petitions na isinampa ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte—na humihiling sa Korte Suprema na utusang palayain ang dating Pangulo mula sa detensiyon sa The Hague.
Subalit, kahapon ay ipinahayag ni OSG Darlene Berberabe na muling babalik bilang counsel ng gobyerno ang OSG para sa kaso nina Bato at ng dating Pangulong Duterte sa SC—isang biglaang pagbawi sa dating recusation nito. (Kris Jose)