Home OPINION PHP60B PONDO PARA SA KALUSUGAN, NARARAPAT IBALIK SA PHILHEALTH

PHP60B PONDO PARA SA KALUSUGAN, NARARAPAT IBALIK SA PHILHEALTH

331
0

NAPAKAHALAGA ng naging desisyon ng Supreme Court (SC) na ibalik ang Php60 billion na pondo ng Philippine Health Insu­rance Corporation (PHILHEALTH) sa mismong ahensya kung saan ito nararapat, isa itong makasaysayang pagpapatibay ng tunay na diwa ng Universal Health Care (UHC). Isang malinaw, matatag, at makabuluhang paalala ang hatol na ito na ang pondo para sa kalusugan ay hindi dapat galawin para sa anomang gastusing hindi nakatutok sa kapakanan ng mamamayan.

Sa botong 15-0, hindi lamang binawi ng SC ang Special Provision 1(d) ng 2024 General Appropriations Act at ang DOF Circular No. 003-2024, binigyang-diin din nito na hindi maaa­ring baguhin ng budget law ang mismong substantive law na umiiral, katulad ng UHC Act. At mas lalong natuwa ang inyong Agarang Serbisyo Lady dahil sa malinaw na punto ng SC na ang pondo ng PHILHEALTH ay hindi “idle funds.” Ito ay special funds, galing sa kontribusyon ng miyembro at sa Sin Tax na nakalaan para sa UHC. Ibig sabihin, bawat piso nito ay may pangalan at may tungkulin: ang buhay at kalusugan ng bawat Filipino.

Hindi kataka-takang mara­ming ekonomista, health advoca­tes, at maging dating opisyal ng pamahalaan ang umalma sa paglilipat ng pondo. Sila mismo ang unang nagbabala na kapag pinakialaman ang special funds, mawawala ang tiwala ng publiko, at higit sa lahat, maaaring mismong serbisyo ang maapektuhan. Mabuti na lamang at maagap at makatarungan ang SC.

Gayunpaman, may bahagi ng desisyong ito na dapat nating suriin nang mas malalim. Ayon kay Executive Secretary at da­ting Department of Finance Secretary Ralph Recto, sumunod lamang daw ang Executive branch sa utos ng Kongreso. Ipinagma­laki rin niyang hindi naapektuhan ang mga benepisyo at serbisyo ng PHILHEALTH, at sa katunayan ay mas lumawak pa ito.

Kung totoo ito, magandang balita. Pero hindi nito nabubura ang katotohanang kahit pa hindi naapektuhan ang serbisyo, ang prinsipyo ng earmarked health funds ay nasagasaan. Ang pondo ay hindi lamang numero sa ledger, ito ay representasyon ng ating karapatang pangkalusugan.

Higit pa roon, hindi natin dapat kaligtaan ang pinakama­halagang leksyon mula rito na ang anomang batas o probisyong kontra sa UHC ay hindi dapat palusutin. Hindi rin dapat iasa sa technicalities ang kalusugan ng bansa. Lalo nating kailangan ang malinaw na koordinasyon, tamang pagbasa ng batas, at higit sa lahat, tunay na pagrespeto sa mga pondong nakalaan para sa publiko.

Ang pangako ng PHILHEALTH sa pangunguna ng presidente at chief executive officer nitong si Dr. Edwin Mercado na gagamitin nang tama ang ibabalik na pondo ay inspirasyon sa mga miyembro lalo na sa mga dumaranas ng karamdaman.

Malaki ang oportunidad na hatid ng Php60 bilyon para ma­pabuti ang serbisyo, mapalawak ang benepisyo, at lalo pang mapatatag ang UHC.
Ngayon, higit kailanman, ka­ilangan natin ang isang PHILHEALTH na mas mahusay, mas maaasahan, at mas tapat sa mandato nito.

Ibabalik ang nakuhang pondo sa pamamagitan ng patuloy na pinag-uusapan at sinusu­ring panukalang badget para sa taong 2026.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here