MANILA, Philippines – Inabswelto ng Sandiganbayan Third Division nitong Biyernes, Disyembre 12 si dating Quezon City mayor Herbert Bautista sa kasong graft kaugnay sa pagbabayad ng P25 milyon sa Cygnet Energy Power Asia Inc. para sa paglalagay ng solar power system at waterproofing works sa city-owned building noong 2019.
Sa desisyon na pinonente ni Associate Justice Ronald Moreno, si Bautista ay napag-alamang not guilty sa “failure of prosecution to prove his guilt beyond reasonable doubt.”
Inalis na rin ang hold departure order na inisyu para kay Bautista.
Naluha naman si Bautista, na dumalo sa promulgation matapos ang anunsyo ng acquittal.
Samantala, sinentensyahan naman ng anim hanggang walong taong pagkabilanggo ang kasabwat umano ni Bautista na si ex-administrator Aldrin Cuña matapos mapatunayang guilty sa graft.
Wala namang civic liability na ipinataw kay Cuña ngunit diskwalipikado nang umupo sa anumang posisyon sa gobyerno at hindi makakakuha ng retirement benefits.
Pinagbigyan naman ng korte si Cuña para sa provisional liberty at inatasan na doblehin ang P90,000 cash bond.
Si Cuña ay binigyan ng limang araw para tumugon sa bond.
Matatandaang napag-alamang guilty sina Bautista at Cuña sa graft kaugnay sa maanomalyang P32 milyong process automation system para sa QC hall. RNT/JGC