Home OPINION KONGKRETONG SOLUSYON SA KAHIRAPAN DAPAT UNAHIN NI GADON

KONGKRETONG SOLUSYON SA KAHIRAPAN DAPAT UNAHIN NI GADON

250
0

SA gitna ng napakaraming suliranin ng bansa kabilang ang mataas na presyo ng bilihin, lumalalang kahirapan, at kakulangan ng malinaw na programa para sa mga maralita ay nakapagtatakang mas abala pa ang isang opisyal ng pamahalaan sa pakikipagbangayan sa pulitika kaysa sa pagtupad sa mismong tungkulin na ipinagkatiwala sa kanya.

Ito ang malinaw na larawan ni Larry Gadon, ang Presidential Adviser on Poverty Alleviation, na mas kilala ngayon bilang matapang na kritiko ni Vice President Sara Duterte kaysa bilang tagapaghatid ng konkretong solusyon sa kahirapan.

Hindi naman mali ang magpahayag ng opinyon. Bahagi ito ng demokrasya. Ngunit kapag ang isang opisyal ng gobyerno ay tila ginagawang full-time na trabaho ang paninira at patutsada laban sa isang halal na opisyal, habang walang maipakitang malinaw na resulta sa sariling mandato, doon nagsisimula ang problema. Ang kahirapan ay hindi nalulutas sa press conference, mura, o paulit-ulit na pag-atake sa personalidad ng iba.

Ang posisyong ibinigay kay Gadon ay hindi basta-basta. Ang poverty alleviation ay nangangailangan ng tahimik ngunit seryosong trabaho tulad ng pagbuo ng programa, pakikipag-ugnayan sa mga ahensya, at pakikinig sa tinig ng mga pinakaapektado.

Subalit sa halip na marinig ang ulat tungkol sa mga natulungan, ang madalas na naririnig ng publiko ay ang kanyang mga pahayag na puno ng galit at pulitikal na motibo, lalo na laban kay VP Sara.

Sa ganitong asal, nagmumukhang mas mahalaga kay Gadon ang pagiging attack dog ng administrasyon kaysa pagiging lingkod-bayan. Hindi siya nahirang upang maging tagapagsalita ng intriga o taga-atake ng kalaban sa pulitika. Siya ay hinirang upang magbigay ng pag-asa sa mahihirap—isang tungkuling tila natatabunan ng kanyang pagiging maingay at mapanuligsa.

Mas lalong nagiging pabigat ito sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Sa halip na makatulong sa pagbubuo ng imahe ng maayos at disiplinadong pamahalaan, si Gadon ay nagiging simbolo ng lumang estilo ng pulitika—palaban, personalan, at walang malinaw na direksyon. Kung tunay ang hangarin ng gobyerno na maglingkod, dapat ipaalala sa mga opisyal nito: mas mahalaga ang trabaho kaysa dakdak, at mas kailangan ng bayan ang resulta kaysa ingay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here