Home NATIONWIDE 6 patay sa pagtama ng missile ng Russia sa Odesa

6 patay sa pagtama ng missile ng Russia sa Odesa

246
0

UKRAINE – Anim ang nasawi habang 27 naman ang sugatan matapos tamaan ng missile ng Russia ang port infrastructure sa Odesa sa southern Ukraine, ayon sa emergency service ng Ukraine nitong Sabado.

Ayon sa ulat, kabilang sa mga nasugatan ang mga pasahero ng isang bus na tinamaan sa gitna ng pag-atake nitong Biyernes ng gabi.

Nasunog din ang ilang trak sa parking area habang ilang sasakyan ang napinsala.

Kinumpirma ni Odesa regional head Oleh Kiper na ballistic missiles ang ginamit sa pag-atake sa nasabing pantalan.

Samantala, naganap ang insidente habang nakatakdang bumiyahe patungong Florida ang isang envoy ng Kremlin para sa pag-uusap kaugnay sa mungkahing peace plan ng Estados Unidos upang wakasan ang halos apat na taong digmaan.

Bahagi umano ito ng patuloy na pagsisikap ng administrasyong Trump na maisulong ang kapayapaan, kabilang ang mga nakaraang pulong kasama ang mga opisyal ng Ukraine at European Union sa Berlin kamakailan.

Sinabi naman ng chief negotiator ng Ukraine na natapos na ang hiwalay na pagpupulong ng kanilang delegasyon sa mga kinatawan ng U.S. at Europe.

Kaugnay nito, nagkasundo ang mga lider ng European Union na magbigay ng malaking interest-free loan sa Ukraine upang matugunan ang pangangailangang militar at pang-ekonomiya ng bansa sa susunod na dalawang taon.

Ayon kay Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy, nakasalalay sa magiging tindig ng Estados Unidos ang susunod na hakbang matapos ang konsultasyon nito sa Russia.

Sa isang press conference sa Kyiv kasama si Portuguese Prime Minister Luís Montenegro, sinabi ni Zelenskyy na, “ang pangunahing tanong ay kung paano tutugon ang Estados Unidos matapos ang pakikipag-usap sa mga Ruso.”

Wala pang agarang pahayag ang Moscow hinggil sa naturang pag-atake.

Gayunman, sinabi ng Russian Defense Ministry na nagsagawa sila ng mga strike laban sa umano’y transport at storage infrastructure na ginagamit ng Ukrainian armed forces, pati na rin sa mga pasilidad ng enerhiya na sumusuporta sa war effort ng Kyiv. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here