Home OPINION PASAHERONG NAGBIRONG MAY GRANADA, HINDI PINASAKAY SA EROPLANO

PASAHERONG NAGBIRONG MAY GRANADA, HINDI PINASAKAY SA EROPLANO

295
0

HINDI na pinasakay sa kanyang biyahe patungong Singapore ang isang pasahero kamakailan, matapos siyang magbiro ng may dala-dalang granada habang dumaraan sa security check ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, sa Pasay City.

Ayon sa Philippine National Police–Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP), tinanong ng security personnel ang pasahero kung ano ang laman ng kan­yang bag. Bilang sagot, pabiro nitong sinabi na mayroon siyang dalang granada.

Kaagad na ipinatupad ng PNP-AVSEGROUP ang kanilang security protocol. Rumesponde ang Explosive Ordnance Dispo­sal (EOD) Team at Canine Unit upang masusing siyasatin ang bagahe ng pasahero. Sa isinagawang inspeksyon, walang natag­puang pampasabog o anomang delikadong bagay.

Pero nagpasya ang airline na i-offload ang pasahero at isi­nama siya sa blacklist ng kompanya, kaya hindi na siya pina­yagang makasakay sa kanyang nakatakdang biyahe. Bagama’t hindi na nagsampa ng kaso ang airline management, nanatili ang parusa sa pasahero dahil sa kan­yang ginawang pahayag.

Binigyang-diin ni AVSEGROUP chief PBGen. Dionisio Bartolome na walang puwang ang anomang uri ng biro tungkol sa bomba sa loob ng paliparan.

Aniya, nana­natili ang zero-tolerance policy ng ahensya pag­­dating sa seguridad ng mga pasahero, tauhan, at pasilidad ng pa­liparan.

Mahigpit na ipinagbabawal ang mga biro o pahayag tungkol sa bomba sa mga paliparan dahil ang kahit anong pahayag tungkol sa bomba o pampasa­bog ay itinuturing na potensyal na banta. Maaari itong magdulot ng takot, panic, at kaguluhan sa mga pasahero at airport personnel.

Alinsunod sa Presidential Decree No. 1727, ang pagbibiro o pagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa bomba o pampasabog ay isang kriminal na paglabag. Ang sinomang mapatunayang nagkasala ay ma­aaring makulong nang hanggang limang (5) taon, pagmultahin ng hanggang Php 40,000, o parehong parusa, depende sa pasya ng hukuman.

Ang seguridad sa paliparan ay seryosong usapin. Ang anomang salitang binibigkas, kahit pabiro, ay maaaring magkaroon ng mabigat na kapalit.

Hinihi­kayat ang lahat ng pasahero na maging responsable at maingat sa kanilang pananalita upang ma­i­wasan ang abala, parusa, at panganib sa sarili at sa kapwa pasahero.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here