IPINAAALAM ng Office of the Solicitor General (OSG) na hindi na maghahain ng apela sa inilabas na desisyon ng Supreme Court (SC) na nagdeklara bilang labag sa Konstitusyon ang paglilipat ng Php60 billion “excess funds” ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) patungo sa National Treasury noong 2024.
Matatandaan na kabuuang Php89.9 bilyon ang nakatakda sanang ilipat pero nasaklaw ng temporary restraining order ang Php29.9 bilyon.
Sinabi ni solicitor general Darlene Marie Berberabe na iginagalang ng OSG ang pasya ng SC at hindi na ito magsusumite ng mosyon para sa rekonsiderasyon kaugnay ng kaso ng PHILHEALTH fund.
Ayon kay SG Berberabe, bagama’t may pagkakataong nagkakaiba ang pananaw ng pamahalaan pagdating sa mga patakaran sa pananalapi, nananatiling iisa ang lahat sa pagsunod sa Saligang Batas.
Aniya, nilinaw na ng SC ang tamang landas na konstitusyonal na dapat tahakin ng pamahalaan.
Nitong Disyembre 2025, naglabas ang SC ng desisyon na nagpawalang-bisa sa isang espesyal na probisyon sa 2024 General Appropriations Act (GAA) na nagbibigay-daan sa pagbabalik ng sobrang reserbang pondo ng mga government-owned and controlled corporations (GOCCs), kabilang ang PHILHEALTH, sa National Treasury upang pondohan ang mga “unprogrammed appropriations.”
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier, idineklarang walang bisa ang Special Provision 1(d), Chapter XLIII ng 2024 GAA, pati na ang Department of Finance (DOF) Circular No. 003-2024 na nag-utos ng paglipat ng Php89.9 bilyon pondo ng PHILHEALTH.
Ipinaliwanag ng SC na ang lahat ng probisyon sa GAA ay dapat may kaugnayan (germane) sa layunin nito upang maiwasan ang panlilinlang sa mga mambabatas at upang malinaw na maipabatid sa publiko ang saklaw ng batas.
Bagama’t tinukoy ng SC na may kinalaman ang Special Provision 1(d) sa unprogrammed appropriations, nakita nitong malabo at hindi malinaw ang probisyon dahil ipinakilala nito ang terminong “fund balance” na hindi naman binigyang-kahulugan sa 2024 GAA.






