KUNG nakamamamatay ang mga multong proyektong kontra-baha, nakamamatay rin ang multo ni dating Department of Public Works and Highways Undersecretary Cathy Cabral.
Hindi na kailangang ipaliwanag pa kung paano namamatay ang maraming Pinoy tuwing may baha mula sa ulan, bagyo, amihan, habagat at iba.
Maraming baha ang hindi sana nagaganap kung wala ang mga tinatawag na ghost o multong proyekto.
May nalulunod na matatagpuan ang bangkay kilo-kilometro ang layo dahil sa ragasa ng baha patungo sa karagatan o mababang lugar.
May namamatay rin sa mga sakit na likha baha gaya ng leptospirosis.
May mga namamatay mismo kahit sa mga bubong mga bahay na nilulunod ng mga baha.
At ang masakit pa, laging may mga idinideklarang missing na wala nang nakaaalam kung buhay pa sila o talagang patay.
Kaya, anak ng tokwa, gayon na lang ang takot ng mga mamamayan sa baha at lalong lumaki ang kanilang takot nang mabunyag na kaya pala may baha, eh, may mga multo o ghost anti-flood projects.
MULTO NI CABRAL AT CABRAL FILES
Ang mga korap na kilala at nakinabang sa mga maniobra ni Cabral habang buhay pa ay maaaring nagbubunyi sa pagkamatay ng ale.
Ito’y dahil wala na ang isa sa mga sana’y magsasaksi ukol sa kanilang kubrahan ng mga kikbak sa mga ghost project, overpriced project at iba na wala sa hulog na mga proyekto.
Nabunyag ang kikbakan na kinasangkutan mismo ni Cabral sa pahayag mismo ni DPWH Usec. Robert Bernardo na sina Cabral at dating DPWH Secretary Manuel Bonoan ang higit na nakaaalam sa kikbakan sa itaas, bagama’t may ilan din siyang naugnayan na mga senador, kongresman at undersecretaries.
Batay sa pahayag nina Batangas Congressman Leandro Legarda Leviste at Senate Pro Tempore President Panfilo Lacson batay sa kanya-kanya nilang hawak na Cabral Files, kasama ang imbestigasyon mismo ng Senado, may mga insertion sa flood control na umabot sa trilyong piso sa nakalipas na tatlong taon lamang ng gobyernong Bongbong Marcos.
May pagkakahawig ng dalawang magkahiwalay na Cabral Files: Ang pagkakasangkot ng ilang taga-Malakanyang sa mga flood control scam.
Para kay Leviste, may mga secretaries at undersecretaries na nasa labas ng DPWH at para kay Lacson, itong mga secretaries ay maaaring sina Bonoan mismo, isang ES, isang SAP at iba pa.
Malinaw naman kay Leviste ang napakaraming kongresman na may mga insertion.
Maagang nag-deny ng anomang pagkakasangkot sa anomang anomalya sina dating ES Lucas Bersamin at SAP Anton Lagdameo habang si Bonoan ay hindi man lang hinahanap ng Malakanyang at kabaligtaran nito ang ginagawa kay dating Bicol Partylist Zaldy Co.
Ano nga kaya ang lalabas na katotohanan kung muling mag-imbestiga ang Senado sa Cabral Files?
Sino-sino kaya ang mga multo na makikila sa imbestigasyon ng Senado sa mga insertion na may mga kikbakan…kung meron man.
May mahahagip kayang mga nagbubunyi sa pagkamatay ni Cabral, kasama ang mga nag-a-ala-Pilato, ng multo ni Cabral na bubuhayin ng Senado sa bisa ng Cabral Files?






