MANILA, Philippines – Binigyang-pansin ni Senador Christopher “Bong” Go ang madalas na nakakalimutang papel ng mga patient watchers—ang mga kaanak na nagbabantay sa pasyente sa ospital—na nakakaranas ng pisikal, emosyonal, at pinansyal na pasanin.
Ani Go, “Hindi lang pasyente ang may dinadala sa ospital. May asawa, magulang, apo, o pamangkin na naiwan ang trabaho at pamilya para magbantay. Sila ang tahimik na sumusuporta sa paggaling, kahit pagod at kapos, tuloy pa rin.”
Sa kanyang pagbisita sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) Balay Pahulayan sa Davao City, personal niyang tiningnan ang kalagayan ng mga pamilya na pansamantalang naninirahan malapit sa ospital.
Ani Go, kahit simpleng tulong sa pagkain, pamasahe, o pansamantalang tirahan ay malaking ginhawa para sa mga bantay.
Ibinahagi rin niya na ang konsepto ng halfway houses ay kanyang naranasan sa Davao City noong panahon ng dating Mayor Rodrigo Duterte, at ngayo’y modelo na sa ilang pambansang ospital kabilang ang UP-PGH, Quirino Memorial Medical Center, SPMC, Philippine Children’s Medical Center, Philippine Heart Center, at Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital.
Binanggit din ni Go ang patuloy na operasyon ng Malasakit Centers, na nakakatulong sa higit 17 milyong Pilipino sa pag-alis ng gastusin sa ospital.
“May mga bantay na ilang linggo o buwan nang hindi umuuwi. Kung tutulungan natin sila kahit sa maliit na paraan, mas nagiging magaan ang laban ng buong pamilya,” dagdag niya.
Aniya, ang pagkilala at suporta sa mga patient watchers ay hindi simboliko lamang kundi praktikal at mahalaga sa pagpapagaling ng pasyente. RNT/MND