MANILA, Philippines – Tinatayang nasa higit P114 milyon halaga ng iligal na droga ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), noong Enero 8, 2026.
Nabatid sa BOC na ang mga naharang na kargamento ay idineklara bilang malachite stones at nagmula sa Congo, ay naharang sa X-ray inspection matapos magpakita ng mga kahina-hinalang larawan.
Matapos isalang sa pisikal na inpeksyon ay tumambad ang apat na kahon na naglalaman ng hinihinalang iligal na droga na tumitimbang ng 4,320 gramo, 3,622 gramo, 4,599 gramo, at 4,307 gramo, na may kabuuang timbang na 16,848 gramo.
Ang mga nasamsam na iligal na droga at mga sangkot na indibidwal ay pormal na itinurn-over sa PDEA para sa kaukulang disposisyon at karagdagang imbestigasyon. Nahaharap ang mga sangkot sa nasabing insidente sa paglabag sa Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act No. 10863, o kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act.
“This is not just about enforcement. It is about protecting our communities. The Bureau will remain relentless in screening, inspecting, and stopping illegal drugs at our borders,” ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno.
Tiniyak naman ng BOC na ipagpapatuloy nito ang pagpapalakas ng mga hakbang sa pagkontrol sa hangganan nito, na muling pinagtitibay ang pangako nitong pangalagaan ang integridad ng mga hangganan ng bansa at protektahan ang mamamayang Pilipino. JAY Reyes