CEBU, Philippines – Naaresto ng pulisya ang dalawang lalaki matapos silang mahuling nagtangkang manuhol ng mga pulis kapalit ng P20 milyon halaga ng smuggled cigarettes sa Santander, Cebu.
Ayon kay Police Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., nagsimula ang kaso noong Enero 10 nang ma-intercept ang isang trak na nagdadala ng 200 kahon ng undocumented cigarettes sa checkpoint sa Barangay Poblacion, Santander.
Nahuli rin ang driver at helper ng trak sa naturang operasyon.
Kinabukasan, lumapit ang dalawang lalaki sa mga imbestigador at nag-alok ng suhol kapalit ng nasabing kontrabando.
Isinagawa ang isang entrapment operation na nagresulta sa kanilang pag-aresto.
“Pinapakita nito ang dedikasyon ng ating mga pulis na tumanggi sa anumang suhol. Nandito kami para ipatupad ang batas at protektahan ang pampublikong yaman,” ani Nartatez.
Nakuha mula sa dalawang suspek ang P1 milyon cash, isang sports utility vehicle, at mga smartphone.
Kasalukuyan silang nasa kustodiya ng Regional Special Projects Unit 7 (RSPU7) para sa documentation, inquest proceedings, at paghahain ng kaukulang kaso.
Ani Nartatez, ang operasyon ay bahagi ng intelligence-driven interventions at mahigpit na pagsunod sa tamang proseso, na layuning isara ang mga puwang na sinasamantala ng criminal syndicates.
Ito ay huling operasyon mula sa serye ng anti-smuggling operations na nagsimula sa Batangas City, kung saan nakumpiska ang P1.1 bilyong halaga ng smuggled cigarettes noong Disyembre 31, 2025. RNT/MND