DAPAT magtodo-ingat sa Iran, hindi lang ang mga Pinoy na naroroon kundi maging ang pakikitungo rito ng Pilipinas.
Ito’y dahil sa mabangis na mga rally laban sa pamahalaan at banggaan ng mga raliyestang kontra at pabor sa gobyerno na maaaring ikadamay ng mga Pinoy roon.
Alalahanin ding posibleng lulundag ang kaguluhan sa iba pang mga bansa dahil nakigugulo rito ang United States at Israel habang nakatambay ang Russia at China sa paligid.
Matindi ang pagnanais ng US at Israel na magpalit ng gobyerno na hindi laban sa kanila at yaong kakampi o makokontrol nila ang gusto nilang itayo.
May maniobra pa nga ang US at Israel na mag-ala-Venezuela na papalitan patayin o kidnapin ang mga namumuno ngayon gaya ni Ayatollah Khameini at papalitan ng laging nakayuko sa kanila.
Ito ang mga pangunahing dahilan ng kaguluhan sa loob ng Iran ngayon at isinasakay lang ang mga ito sa mga lokal na problema gaya ng pagmamahal ng presyo ng mga bilihin.
Dapat talagang mag-ingat ang pakikitungo ng Pinas sa Iran hindi lang upang hindi mapahamak ang mga Pinoy na nakatira Iran kundi ilihis din sa kapahamakan ang mga Pinoy na nasa ibang mga bansa na posibleng mapahamak kung lulundag ang digmaan sa Israel at iba pang mga Arabong bansa.
Alalahanin ding hindi lang sa kalupaan matatagpuan ang mga Pinoy sa Gitnang Silangan kundi sa mga karagatan din, gaya ng Pinoy seamen na biktima na ng mga giyera na ikinadadamay ng mga barko.
Alalahaning napakalaki rin ang kontribusyon ng milyones na Pinoy sa Gitnang Silangan sa ekonomiya ng bansa at isang malaking dagok sa atin ang anomang malakihang paghinto ng remittance ng mga ito kung madamay sila sa kaguluhan dahil sa maling patakaran natin sa alinmang bansang magdidigmaan sa lugar.






