Home OPINION PPAI: PROTEKSYON O PANGANIB?

PPAI: PROTEKSYON O PANGANIB?

282
0

HINDI lahat ng reporma ay awtomatikong makabubuti. May mga pagbabago na, kapag minadali at isinagawa nang kulang sa paliwanag, ay nagiging banta imbes na proteksyon lalo na kung ang nakataya ay kaligtasan ng milyon-milyong commuter.

Dito, naninindigan ang Lawyers for Commuters Safety and Protection hinggil sa plano ng Insurance Commission na palawakin ang Passenger Personal Accident Insurance o PPAI Program para sa mga pampublikong sasakyan.

Sa liham ng inyong lingkod kay Finance Secretary Frederick Go, malinaw ang babala: ang pagtanggal sa limitasyong dalawang insurance consortium at ang pagpasok ng ikatlong management company ay hindi simpleng administrative tweak.

“Isa itong malalim na pagbabago na direktang tatama sa risk pooling, proseso ng claims, katatagan ng premium, at pangkalahatang oversight ng programa.”

Sa madaling sabi, ang mali o minadaling hakbang dito ay maaaring magbunga ng pekeng insurance coverage, mabagal o hindi pagbabayad ng claims, at magulong kompetisyon at lahat ay sasaluhin ng commuter.

Mahalagang tandaan na ang kasalukuyang dalawang-consortium system ay matagal nang umiiral at napatunayang gumagana. Wala pang malubhang reklamo na magbibigay-katwiran sa biglaang pagpapalawak. Kaya, bakit kailangang baguhin ang isang sistemang hindi naman sira?

Mas nakakabahala ang kakulangan ng transparency. Walang malinaw na paliwanag kung paano sinunod ng bagong pasok na entity ang Terms of Reference, accreditation guidelines, at evaluation criteria.

Wala ring ganap na pagbubunyag kung sino ang mga kasapi ng ikatlong consortium at kung sapat ba ang kanilang kakayahang pinansyal upang akuin ang responsibilidad sa mga operator at pasahero. Ito ay tahasang salungat sa prinsipyo ng “full public disclosure” na itinatadhana ng Konstitusyon sa mga transaksyong may malinaw na public interest.

Dagdag pa rito, ang PPAI framework ay bahagi ng LTFRB Memorandum Circular 2001-001, na pinagtibay na ng Korte Suprema bilang lehitimong paggamit ng police power ng estado. Kung gayon, hindi maaaring kalahati lamang ng sistema—ang Insurance Commission—ang kikilos, habang wala pang katumbas na patakaran mula sa LTFRB para sa higit sa dalawang management companies.

Sa gitna ng ulat na ang ikatlong kompanya ay may ugnayan sa isang kontrobersiyal na government contractor, mas nagiging makatwiran ang panawagan ng LCSP na ihinto muna ang implementasyon ng circular, ilagay sa abeyance ang pagpapalawak, at unahin ang linaw, ligalidad, at tunay na kapakanan ng commuter.

Sa usapin ng seguridad at proteksyon, hindi pwedeng manghula dapat SIGURADO.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here