NAGBIGAY ng babala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na maaaring maharap sa preventive suspension at mga kasong administratibo ang mga politikong patuloy na ginagamit ang mga programa ng pamahalaan para sa pansariling interes o nakikisangkot sa tinatawag na “epal” na gawain.
Iginiit ng kalihim ang matibay na paninindigan ng Marcos’s administration na ipatupad ang “anti-epal” provision na nakapaloob sa General Appropriations Act (GAA) ngayong 2026. Aniya, may sapat na batayan ang pamahalaan upang magsampa ng mga kasong administratibo laban sa mga lumalabag, kabilang na ang suspensyon o preventive suspension, bagama’t hindi ito kriminal na kaso.
Panawagan ni Secretary Remulla, napapanahon na umano upang bumalangkas ng batas na magbibigay ng mas matibay na ngipin sa kampanya kontra-epal. Aniya, ang kasalukuyang hakbang laban dito ay bunga lamang ng matagal nang pagkadismaya ng publiko at wala pang malinaw na kodipikadong pamantayan ng asal para tuluyang ipagbawal ang ganitong gawain.
Kaugnay nito, hinimok ng kalihim ang publiko na maging mapagmatyag at kumuha ng mga larawan o video ng mga opisyal na lalabag sa anti-epal policy.
Isinasaalang-alang na rin ng DILG ang pagbuo ng isang online reporting portal, na kahalintulad ng “Sumbong sa Pangulo,” para mas mapadali ang pagrereklamo laban sa mga abusadong opisyal.
Ang salitang “epal” ay karaniwang tumutukoy sa paglalagay ng pangalan, mukha, o logo ng politiko sa mga proyekto at programang pinondohan ng pamahalaan, kahit wala itong direktang kaugnayan sa kanilang personal na pondo.
Alinsunod sa GAA, ipinagbabawal ang personal na pag-ako ng kredito sa mga proyektong pinondohan ng kaban ng bayan.
Ang mga kasong administratibo laban sa mga lokal na opisyal ay maaaring magresulta sa suspensyon, multa, o pagtanggal sa puwesto, depende sa bigat ng paglabag. Layunin ng anti-epal campaign na itaguyod ang transparency, accountability, at wastong paggamit ng pondo ng bayan, lalo na sa panahon ng eleksyon.
Batay sa kalendaryo ng Commission on Elections, magaganap sa March 2026 ang Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao parliamentary elections, ang Barangay at Sangguniang Kabataan naman sa Nobyembre 2026, at National and Local elections sa May 2028 kung saan ay muling maghahalal ng bagong Pangulo ng bansa.






