Home OPINION MAG-ASAWANG DISCAYA, DUMMY NI ROMUALDEZ?

MAG-ASAWANG DISCAYA, DUMMY NI ROMUALDEZ?

325
0

LUMITAW ang tanong kung sino ang nagsilbing front ni Leyte Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez sa pagbili ng mamahaling house and lot sa isang exclusive village sa Makati City.

Ito ang sentro ng planong imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson. Ayon kay Ping, may alegasyong ginamit ni Romualdez ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya bilang panakip sa pagbili ng ari-arian.

Nakikipag-ugnayan na si Lacson sa dating may-ari ng property upang matukoy kung may direktang ugnayan si Romualdez at ang mga Discaya.

“Para pagkatiwalaan mo ‘yung isang contractor na nasasangkot sa P207.5 billion na kontrata mula 2016 hanggang 2025, napakalaki. So kung may connection, dapat maliwanagan natin, kung bakit ganon kalakas para ipagkatiwala mo ‘yung pagbili ng isang house and lot sa isang sikat na subdivision sa Makati City,” ani Lacson.

Binigyang-diin niya na kung mapatutunayan ang koneksyon ni Romualdez sa mga Discaya, posibleng hindi lang ito ang transaksyong dapat imbestigahan.

Dapat lamang suportahan ang ‘motu proprio’ investigation laban kay Romualdez. Ito ang konkretong sukatan kung seryoso ang Marcos Jr. administration sa pagsusulong ng transparency at accountability sa pamahalaan, lalo’t matagal nang usap-usapan ang lawak ng kayamanan ng dating House leader.

Isiniwalat din ni Navotas Rep. Toby Tiangco na tinanong mismo ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. si Romualdez kung ilang bahay, helicopter, at caviar pa ang kailangan nila ni Zaldy Co.

Ayon kay Tiangco, galit na galit si PBBM sa paglipat ng pondo ng flagship programs ng Executive patungo sa unprogrammed funds, na naging mitsa ng matinding banat ng Pangulo sa flood control corruption sa kanyang State of the Nation Address noong July 2025.

Sa dami ng rebelasyon, hindi na tsismis ang mga paratang laban kay Romualdez. Isinangkot siya mismo ni Co sa video series nito hinggil sa pagdadala niya ng male-maletang pera.

Kaya naman nakapagtataka ang pananahimik ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa harap ng mga ebidensya at testimonya na nagtuturo kay Romualdez bilang pangunahing utak ng anomalya.

Mas pinaniniwalaan pa ni Boying ang hearsay, lalo ang pabago-bagong kuwento ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo para mailigtas ang mga tunay na sangkot.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here