Home OPINION SBMA CHAIRMAN DAPAT MAGPALIWANAG

SBMA CHAIRMAN DAPAT MAGPALIWANAG

237
0

IPINATATAWAG pala ng Piskalya ng Nueva Ecija, para magpaliwanag at magsumite ng kanyang panig, si Subic Bay Metropolitan Authority chairman, Eduardo Jose Aliño, at isa pang director ng SBMA, hinggil sa reklamong “pamemeke” (falsification of documents) sa ilalim ng Article 172 ng Revised Penal Code at paglabag sa Article 268 (grave coercion).

Marahil, “nasorpresa” rito si Chairman Aliño dahil sa mga dumaraming reklamo sa kanya, palagi (raw) siyang “kampante,” sabi ng mga miron. Palagi umano kasing inaakala ni Alino na sa Ombudsman isasampa ang mga reklamo at hindi sa isang regular na korte.

Bakit naman “kumpiyansa” si Chairman kung sa OMB siya masasampahan ng reklamo? Eh, dangan kasi, palaging naririnig ng ating mga miron ang kanyang pagbibida na “malapit na kaibigan” (daw) niya si Ombudsman Jesus Crispin Remulla!

Kung ‘Bossman’ ang tawag natin kay OMB Remulla dahil matagal tayong naglingkod sa kanya at matagal kaming magkasama sa kampo ni dating Pangulong Erap, eh, simpleng ‘Boying’ na palayaw ni Ombudsman ang tawag umano ng puno ng SBMA sa kanya, bilang “patunay” na sadyang ‘very close sila. Ganun nga kaya, Assistant OMB Mico Clavano?

Inatasang “lumutang” sa Piskalya ng Cabanatuan sa Enero 22 sina Tserman at Dir. Kenneth Rementilla, bitbit ang kanilang paliwanag tungkol sa mga reklamo sa kanila.

Pinababalik sila sa Enero 29, kung saan “magkakaalaman” na rin kung “sasampa” sa korte ang mas mabigat na kaso ng serious illegal detention/kidnapping sa ilan pang mga tauhan ng SBMA at umano’y mga kasamahan nila sa isang “sindikato” na bina-blackmail ang ilang Freeport ‘locators’ ng milyones gamit ang pekeng rape complaint at bantang pagbubulgar sa media.

At dahil nakaladkad ang media, National Press Club Director Gina Mape, may masasabit ditong miyembro ng media at kahit pa nga ilang piskal sa Olongapo.

Kung may kaugnayan naman ang reklamo laban kay Chairman Aliño sa mas malaking problemang ito, malalaman natin sa susunod na kabanata.

Abangan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here