SUPORTADO ng Lawyers for Commuters Safety and Protection ang mga hakbang ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board na labanan ang sekswal na pang-aabuso sa pampublikong transportasyon.
Hindi sapat ang mga paalala lamang sa mga drayber at operator sa halip kailangan ng agarang pagpataw ng kaukulang parusa sa mga mapapatunayang nagkasala. Ang sekswal na pang-aabuso ay hindi lamang isang paglabag sa karapatan kundi isang seryosong krimen na dapat bigyan ng nararapat na hustisya.
Kamakailan lamang ay inanunsyo ng LTFRB at Department of Justice ang kanilang magkakasamang pagsisikap laban sa mga colorum na sasakyan.
Sa pagkakataong ito, hinihiling ng LCSP kay LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza at DOJ Acting Secretary Fredderick A. Vida na maisama na rin sa kanilang koordinasyon ang pag-uusig ng mga kaso laban sa lahat ng uri ng krimen sa pampublikong transportasyon. Mahalaga na magkaroon ng ligal na tulong ang mga biktima at hindi lamang ang mga pasahero kundi pati na rin ang mga drayber na nagiging biktima ng pandarambong o pandaraya.
Ang pagkakaroon ng maayos na sistema ng pagpapatupad ng batas ay magbibigay ng lakas ng loob sa mga mamamayan na gumamit ng pampublikong sasakyan.
Bukod dito, isinusulong din ng LCSP ang istriktong pagpapatupad ng sistema ng pilahan sa mga terminal at mga lugar para sa pagbaba at pagsakay ng pasahero.
Ang mala-“zombie” na paraan ng pag-uunahan at paggitgit ay dapat na wakasan na. Maraming beses na ang mga buntis, matatanda, bata, at mga may kapansanan ang nagiging agrabyado dahil hindi nila kayang makipagsabayan sa mga mas malalakas na pasahero. Kahit na sila pa ang maagang dumating sa pilahan, sila pa rin ang napaglalaktawan kapag dumating na ang sasakyan.
Ang disiplina sa pagsakay ay isang maliit na hakbang ngunit makapagbabago ng malaki sa karanasan ng mananakay.






