MAY namumuong giyera sa Middle East o mga Arabong bansa, lalo na sa pagitan ng Iran at Israel at United States.
Posible ring masangkot ang Russia at China na kaalyado ng Iran at mga Arabong bansa na kaalyado naman ng Israel at US, kasama ang England.
Nais ni US President Donald Trump at Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu na sibakin ang pamunuan at pamahalaang Islamic sa ilalim ni Ayatollah Rohollah Khomeini
Papalitan umano si Khomeini ni Reza Pahlavi na anak ng sinibak nina Khomeini na si Reza Pahlavi na dating Shah o Hari ng Iran na kanilang hawak sa leeg.
MGA PALATANDAAN
Nagkansela na ang maraming kompanya ng eroplano na lumipad sa ibabaw ng Iran at Israel o kaya’y pumasok sa mga paliparan ng mga ito.
Kasama rin sa iniiwasan nang mga bansa ang Jordan, Lebanon at Iraq habang may hindi na rin papasok sa Dubai International Airport gaya ng Air France.
Kabilang sa mga nagkansela ang Air France, KLM, Lufthansa, SWISS, United Airlines, Air Canada, British Airways at iba pa.
Dala ito ng anunsyo ng US na paparating na sa Middle East ang aircraft carrier na USS Abraham Lincoln habang madalas na may mga paglipad ng mga eroplanong pandigma sa mga kalangitan ng nasabing mga bansa.
Iniiwasan ng mga eroplanong sibilyan na magkaroon ng banggaan sa pagitan nila at mga eroplanong militar.
Libo-libo namang biyahero ngayon ang stranded at naiipit sa pagbiyahe.
Inalis na rin ng mga Amerikano ang kanilang mga pandigmang eroplano sa Al Udeid Air Base sa Qatar at binabakante na rin nila ang kanilang kampo sa Iraq dahil sa posibleng raid ng Iran at mga kaalyado nito.
Ganito rin ang ginawa ng mga Amerikano sa 12-day war.
PAREHONG NAKAANGKLA SA GATILYO
Pare-parehong nakaangkla sa gatilyo ni kamatayan ang mga daliri ng mga militar ng magkabilang panig.
Hindi malayong maulit ang 12 araw na giyera noong Hunyo 2025 sa pagitan ng Iran at Israel at US.
Ngunit inaasahang babangis ang laban dahil sa pagkakaroon na ng Iran na higit na armas ngayon, pwera pa ang sinuplay na ng Russia at China sa Iran.
Nasaksihan naman natin ang bangis ng 12-day war at buong Israel at Iran ang nawasakan ng sibilyang pamumuhay na ikinamatay ng ilang Filipino sa Israel bagama’t wala sa Iran.
LIBO-LIBONG PINOY NANGANGANIB
Libo-libong Pinoy ang ngayo’y muling nanganganib sa posibleng digmaan.
Pangunahing nasa isipan natin ang nasa 30,000 Pinoy sa Israel at 40,000 sa Lebanon na karaniwang naaapektuhan ng digmaan, habang may 260,000 ang nasa Qatar.
Pare-parehong target ng Iran na bombahin pangunahin ang Israel at posibleng ang Qatar dahil nakabase rito ang El Udaid Air Base na pinakamalaking military base ng US sa buong Middle East.
Ano-ano na ba ang mga paghahanda ng pamahalaang Marcos para sa mga ito.
At paano ang mga pamilya ng mga ito na nabubuhay sa remittance sakaling maipit sa pagpapadala ang mga kanilang mga kaanak na nasa mga bansang Arabong maaapektuhan ng giyera?






