MAHALAGA ang walang tigil na gawaing ni Dr. Robert Sy, humanitarian surgeon at kasapi din siya sa UST Medicine Class 1973, Bukod Tangi, hinggil sa konsepto ng kanilang “internal house medical mission.”
Sa halip na dalhin ang serbisyo sa malalayong komunidad, dinala ang mga benepisyaryo sa UST, isang estratehiyang may malinaw na lohika at malasakit. Naroroon ang mga kagamitang mahirap at delikadong ilipat, at higit sa lahat, malapit ang UST Hospital sakaling magkaroon ng emerhensiya. Ito ay patunay na ang epektibong serbisyo ay nangangailangan hindi lamang ng mabuting intensyon kundi ng maingat na pagpaplano at pag-unawa sa mga panganib at pangangailangan ng pasyente.
Hindi rin maikakaila ang konteksto kung saan isinilang ang misyong ito. Matapos ang COVID-19 pandemic, lantad na lantad ang mga bitak sa ating sistemang pangkalusugan.
Maraming Filipino ang nahirapang magpagamot dahil sa kakulangan ng pasilidad, kakapusan sa pondo, o simpleng kawalan ng akses. Sa ganitong reyalidad, ang “Alaga at Tulong Tomasino” ay nagsilbing tugon ng mga aktibo at retiradong medical practitioners na nakakita mismo ng paghihirap ng kanilang kababayan at piniling kumilos sa halip na manahimik.
Dagdag pa rito ang presensiya ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH), na nagbigay-linaw sa mga katanungan ng mga miyembro, partikular sa Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP). Ang pagpapalista ng maraming benepisyaryo sa YAKAP ng UST na may kaakibat na diskwento sa hospital procedures at room admission ay isang mahalagang hakbang tungo sa mas pangmatagalang solusyon. Ipinapakita nito na ang tunay na malasakit ay hindi natatapos sa isang araw o tatlong araw na misyon; ito ay nagpapatuloy sa pamamagitan ng mga programang nagbibigay ng tuloy-tuloy na suporta.
Ang taos-pusong pasasalamat ng mga benepisyaryo ay sapat nang patunay ng halaga ng inisyatibang ito. Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa kalusugan, ang libreng serbisyong medikal ay hindi lamang ginhawa sa bulsa kundi ito ay pag-asa. Pag-asang may mga institusyong handang tumindig at magsabi na hindi kayo nag-iisa.
Sa ikaapat na edisyon ng “Alaga at Tulong Tomasino,” malinaw na ang programang ito ay hindi na lamang proyekto kundi tradisyon ng malasakit. Ito ay buhay na buhay na pagsasakatuparan ng Thomasian compassion, service, at social responsibility. Sa ganitong mga gawain natin muling naaalala na ang unibersidad ay hindi lamang tahanan ng talino, kundi kanlungan ng puso.
Nawa’y magsilbi itong inspirasyon sa iba pang institusyon na akademiko man, pribado, o pampubliko, na ang tunay na kaunlaran ng bayan ay nagsisimula sa pag-aaruga sa kalusugan ng mamamayan.
Sapagkat kapag ang agham at puso ay nagtagpo, ang resulta ay hindi lamang paggaling ng katawan, kundi pagpapanumbalik ng dignidad at pag-asa ng sambayanang Filipino.
Malugod na binabati ng inyong Agarang Serbisyo Lady ang lahat ng mga nasa likod ng matagumpay na gawaing ito na malaki ang naitulong sa libo-libong mga kababayan na nangangailangan ng tulong sa kalusugan.






