Home OPINION NAGVIRAL NA TRAFFIC ENFORCER, DINEPENSAHAN NG MTPB

NAGVIRAL NA TRAFFIC ENFORCER, DINEPENSAHAN NG MTPB

219
0

MATAGAL nang nagsasagawa ng panghuhuli at clearing operations ang Manila Traffic and Parking Bureau laban sa mga pasaway at kolorum na e-bike, e-trike, at tricycle, kahit bago pa man ganap na ipatupad ang pagbabawal sa kanilang pagdaan sa mga pangunahing lansangan ng lungsod.

Ayon sa MTPB, regular na inaaksyunan ang mga reklamong nagmumula sa mga barangay, kabilang ang clearing operation noong Enero 13 sa Nakpil St. sa Malate.

Gayunman, nabahiran ng negatibong impresyon ang naturang operasyon matapos mag-viral sa social media ang isang video kung saan makikitang sinuntok ng isang traffic enforcer ang isang e-trike driver. Agad itong umani ng batikos mula sa mga netizen at nauwi pa sa paninisi ng ilan kay Manila Mayor Isko Moreno, na umano’y kinukunsinti ang kalupitan ng kanyang mga tauhan.

Sa kabila nito, nilinaw ni MTPB Director Dennis Viaje na hindi dapat husgahan ang insidente batay sa putol o edited na video lamang.

Ayon kay Viaje, inilabas sa social media ang isang pinaikling bersyon na hindi nagpakita ng kabuuang pangyayari. Upang linawin ang usapin, isinapubliko ng MTPB ang sinumpaang salaysay ng 53-anyos na traffic enforcer na may alyas na “Orly,” gayundin ang unedited CCTV footage mula sa lugar ng insidente.

Batay sa CCTV, hinarang ni Orly ang e-trike na minamaneho ni “Johnny” matapos umano itong tumakas at mag-counterflow sa one-way na bahagi ng Nakpil St. Sa kanyang salaysay, iginiit ni Orly na naging agresibo ang driver, tumangging magpatiket, at sinabing wala umano siyang karapatang manghuli.

Nang pigilan niya ang sasakyan, siya raw ay pinagsisiko, nasagasaan ang kaliwang paa, at nakaladkad dahilan upang magalusan ang kanyang tuhod.

Dahil dito, iginiit ni Director Viaje na may karapatan ang kanyang tauhan na ipagtanggol ang sarili sa harap ng ganitong uri ng pang-aabuso.

Gayunman, iginiit din ng publiko na kailangang pantay ang pagbabantay at disiplina sa hanay ng mga traffic enforcer, lalo na’t may mga reklamo ng umano’y pangongotong na matagal nang iniuugnay sa ilang tauhan sa Legarda at Bustillos Street sa Sampaloc.

Sa mga naturang reklamo, sinasabing tinatakot ang mga motorista sa mataas na multa at seminar upang mapilitan umanong magbigay ng halagang umaabot sa P1,500. Hanggang sa ngayon, hinihintay ng publiko ang malinaw na aksyon upang matiyak na ang pagpapatupad ng batas-trapiko ay patas at walang kinikilingan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here