Home OPINION SINO TUNAY NA ‘LITTLE PRESIDENT’?

SINO TUNAY NA ‘LITTLE PRESIDENT’?

242
0

ITINUTURING na “little president” ang sinomang itinatalaga bilang executive secretary ng Pangulo.

Sa tulong ni Atty. Vic Rodriguez, nakabalik ang pamilya Marcos sa Palasyo matapos ang landslide win ni Ferdinand Jr.

Kaya si Rodriguez ang ginawang executive secretary ni PBBM na biglang nalaglag sa pwesto dahil sa pulitika sa loob ng Malacanang.

Nang sibakin si Rodriguez, napagtanto ni Marcos na hindi pala dapat bigyan ng malawak na kapangyarihan ang kanyang itatalaga bilang bagong executive secretary.

Itinalagang kapalit ni Rodriguez si Lucas Bersamin – isang retiradong mahistrado ng Korte Suprema. Ang basehan ni Marcos – may integridad si Bersamin na hinulma sa loob ng mahabang panahon sa hudikatura.

Gayunman, limitado na ang kapangyarihan ng posisyon. Kinatawan na lang ng Pangulo ang executive secretary sa mga pagtitipon na hindi kayang isingit sa iskedyul ni Marcos. Proxy, ika nga.

Sa mga piling pagkakataon, tagapaghatid ng mensahe ng administrasyon, tagapagbalangkas ng executive order at tulay ng direktiba ng Pangulo para sa mga miyembro ng Gabinete. Pero pwedeng magbigay rekomendasyon sa Pangulo kung may nakikitang gusot sa iba’t ibang departamento.

Sa tuwing bumibisita sa ibang bansa ang Pangulo, kabilang si Bersamin sa itinatalagang “caretaker” ng gobyerno. Ngunit siyempre, si Marcos pa rin ang nagpapasya, nagdidikta at nagbibigay ng mga direktiba. Pormalidad lang ang caretaker. Isang ministerial function. Walang impluwensya, walang sariling pondo pero sa tuwing may kapalpakan ang Palasyo, lahat ng sisi ay kanyang sinasalo.

Hindi kontrolado ni Bersamin si PBBM para sa mga pagdedesisyon dahil maraming personalidad na ang ilan, kahit hindi opisyal ng gobyerno pero malapit sa Presidente, ang umeepal at nagbibigay-payo.

Minsang inamin ni Bersamin ang bahagyang pagkadismaya dahil sa napakaraming “close confidants” ng Pangulo at Unang Ginang Lisa Araneta-Marcos.

Sa kontrobersyal na flood control scandal, tila si Bersamin pa ang nais na isakdal. Eh sino nga ba ang tunay na “”little president”” sa Palasyo? Malinaw sa mga resibo ng imbestigasyon ng mga independent fact-finding organizations — pawang kamag-anak ng Pangulo ang punong-arkitekto sa likod ng dambuhalang iskandalo.

Asawa, anak at pinsan? Ewan ko… kayo na ang humusga!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here