MANILA, Philippines – Ang Philippine Drug Enforcement Agency – Laboratory Service (PDEA LS) ay matagumpay na nakapasa sa International Collaborative Exercises (ICE) Result 2025 – Round 2, isang prestihiyosong forensic proficiency program ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) sa Vienna, Austria.
Ito ay matapos ma-identify ng PDEA LS nang tama ang lahat ng walong unknown components sa apat na vial na ibinigay ng UNODC.
Sinusuri ng ICE program ang kakayahan ng mga forensic lab na tamang tukuyin ang controlled substances mula sa seized materials at biological samples.
Gumamit ang mga chemist ng Gas Chromatography–Mass Spectrometry (GC-MS) at sumunod sa international laboratory standards.
Ipinapakita ng tagumpay na ito ang matinding pagsunod ng PDEA sa internationally accepted forensic methodologies at nagpapatibay sa evidentiary value ng mga kaso sa korte.
Mula 2010, lahat ng rounds ng ICE program ay matagumpay na naipasa ng PDEA LS, na nagpapakita ng patuloy na dedikasyon sa international standards at scientific integrity. RNT/MND