Home OPINION ITSURA NILANG KANDIDATO SA 2028

ITSURA NILANG KANDIDATO SA 2028

187
0

MALAYO pa ang halalang presidensyal 2028 ngunit may mga lumulutang o nagmamaniobra na para ipakilala ang mga sarili na kandidato.

Gayunman, tila may mga umiiyak na dahil sa paglutang nila, eh, may mga kasabay pala silang malamang na mas kakampihan ng taumbayan.

Umiiyak sila dahil hindi sila ang kakampihan ng milyon-milyong botante.

NAGSISIMULA PA LANG, TALO NA

Kabilang sa mga gustong kumandidato ang napakaagang kumilos at ginamit ang lahat ng kanyang kapangyarihan para isulong ang sarili.

Ngunit lumalabas na ngayon pa lang ay talo na siya.

Tila hindi nagugustuhan ng marami ang mga maniobra nito na gustong harangan sa lahat ng paraan ang pagkandidato ng iba.

Madali itong lumubog, sa kabila ng pagiging popular nito dahil sa pagkalubog nito sa mga katakot-takot na isyu sa korapsyon na siyang itinuturong isa sa pinakamatakaw sa lahat.

Ayon sa ating Uzi, dito nagiging kabalintuanan umano ang kasabihang “hindi na magnanakaw ang mayaman na.”

Sa halip, pinaniniwalaan niyang lalong maging magnanakaw ito kapag nakaupo na sa Palasyo.

TRYING HARD

Sa tingin ng ating Uzi, may isa namang trying hard umano.

Pinipilit nitong isulong ang sarili at umaangkla sa panaginip na magkaisa ang lahat ng pwersa sa likod niya.

Ngunit sa paglutang ng iba, lumalabas na nagiging palpak ang kanyang panaginip.

Tahasang tinatalikuran na siya ng mga inaasahan niyang magkakaisa sa likod niya.

May iba palang kandidatog gusto ng mga “magkakaisa” at hindi siya.

Katulad ng “nagsisimula pa lang, talo na”, hindi nito napabulaanan nang palabasin ang katotohanang may mga insertion din siya sa mga pambansang badyet.

Ang mga insertion o paningit na badyet ay pinaniniwalaang may mga kikbakan, kahit pa sa hanay ng mga nagsasabing inosente sila rito.

At dahil dito, hindi kasing-linis, sa mata ng madlang pipol, ang pagtayo-tayo niya na malinis siya at kailanman, wala siyang kamantsa-mantsa sa paglilingkod bayan.

MASAHOL PA SA PIPI AT BULAG

Mayroon naman isa na pinalulutang ang sarili at mga kasamahan niya na walang bahid ng anomalya.

Ngunit sa gitna ng pag-alingasaw ng mga korapsyon o kikbakan, mga Bro, ni isang salita ay may narinig sa kanya upang ipagtanggol ang mga mamamayang ninanakawan at binaboy nang sagad.

Hindi lang ngongo ito kundi masahol pa sa pipi at bulag.

Mabuti pa ang pipi, may boses at naiintindihan ang kanyang mensahe sa kung anong bagay na gusto niyang sabihin.

At mabuti pa ang bulag na naghahayag kung may naaamoy siyang hindi maganda sa paligid na sa paniniwala niya ay sagka sa maayos na kalagayan sa kanyang kapaligiran.

TIGASIN SA LAHAT

May isa namang kahit kailan ay hindi mapalubog-lubog sa putikan kahit na pilit itong inilulubog, kahit sa isyu ng korapsyon.

Kung anong taglay nitong anting-anting o agimat, hindi malaman ng ating Uzi.

Nakapagtataka nga naman na meron itong tila salbabida na kahit anong lumutang na kontrobersya, siya pa rin ang bida.

May problema nga lang ang lahat ng mga gustong lumundag sa Palasyo upang doon umupo at magwasiwas ng baston ng kapangyarihan.

Matutuloy kaya ang halalan sa gitna ng maniobra ng iba na kumapit sa poder poreber and eber mula sa Palasyo hanggang sa barangay?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here