MANILA, Philippines – Kinumpirma ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na marami siyang natatanggap na death threats kaugnay sa usapin ng West Philippine Sea (WPS).
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Tarriela na maraming beses siyang pinadalhan sa pamamagitan ng social media.
“Yung social media hindi ko nga alam kung ilang beses nagpadala na papatayin ako…na pupuntahan ako sa bahay,” ani Tarriela.
Inihayag ni Tarriela na halos araw-araw aniya siyang may natatanggap na pagbabanta sa kanyang buhay at random numbers ang ginagamit.
“I just ignore it, para sakin– so far hindi pa naman ako namamatay, andito pa rin ako,” saad ng opisyal.
Si Tarriela, bilang tagapagsalita para sa West Philippine Sea ay naninindigan sa pagtatanggol sa karapatan ng mga mangingisda sa naturang katubigan kung saan kamakailan ay nagpalitan sila ng maiinit na pahayag ng Embahada ng China sa Pilipinas dahil sa mga insidente ng karahasan sa ating teritoryo.
Samantala, sa kabila ng ingay sa usapin ng West Philippine Sea ay nilinaw ni Tarriela na wala itong planong pumasok sa pulitika gaya ng mga sinasabi ng bumabatikos sa kanyang mga ginagawa para sa teritoryo ng Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden