NASAAN na kaya ang diwa ng People Power 1 o Edsa Revolution?
Base sa mga nagaganap, hindi nakakukuha ang makasaysayang okasyong ito ng ganap na pagpapahalaga ng milyon-milyong Pilipino sa kasalukuyan.
Ang mga panawagan sa mga mamamayan para makilahok ay malamig na tinatanggap kahit pa may malaking pagkakahawig ng sitwasyon noong 1986 at ngayong 2026.
Ang malaking pagkakahawig ay ang pananalasa ng mga magnanakaw noon at ngayon sa kaban ng bayan at sa bulsa ng mamamayan.
Binubuo ang kaban ng bayan ng salaping ibinubulsa ngayon mula sa ghost, substandard, overpriced at putol-putol na mga proyekto hindi lang sa mga flood control project kundi maging sa iba pa, gaya ng mga eskwela, ospital, farm-to-market road.
Kabilang naman sa mga ninanakaw sa mga mamamayan ang mga kontribusyon ng mga mamamayan sa PhilHealth, Philippine Deposit Insurance Corporation, overpriced na bigas, sibuyas, asukal at iba pa.
Ayon sa marami, nabigo ang People Power 1 na kamtan ang kalayaan at kapangyarihan na dapat nasa kamay ng mga mamamayan.
Kalayaan at kapangyarihan na magpabago sana sa buhay ng higit na nakararami mula sa mga magnanakaw at abusado sa kapangyarihan.
Sa halip, inangkin umano ang tagumpay ng nasabing pambansang kilusan ng iilang tao at pamilya at nagpatuloy ang mga ito sa pagnanakaw at pang-aabuso.
Ang higit na masama, sila pa rin umano ang may lakas ng loob na manawagan para sariwain at ipatupad ang diwa ng People Power 1.
Ang pinakamasama umano, hilaw na hilaw ang posisyon ng mga ito sa pagsugpo ng mga grabeng pagnanakaw at pang-aabuso ngayon at hanggang laway lang ang mga ito sa pakikipaglaban sa mga nakikilala nang mga salot sa lipunang Filipino.
Paano mo nga naman maaakay ang kawang Filipino na kumilos tungo sa pangako ng People Power 1 kung sasagpangin lang naman lahat ng mga gahaman sa kayamanan at kapangyarihan?






