Home NATIONWIDE Tarriela na-promote bilang rear admiral ng PCG

Tarriela na-promote bilang rear admiral ng PCG

182
0

MANILA, Philippines — Itinaas sa ranggong rear admiral si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea na si Jay Tarriela, ayon sa liham na may petsang Pebrero 23 mula sa Malacañang.

Sa sulat ni Acting Executive Secretary Ralph Recto kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, ipinaabot ang promosyon ni Tarriela, na nagsisilbi ring tagapagsalita ng National Task Force for the West Philippine Sea.

Na-promote rin bilang rear admirals sina PCG Commodores Weniel Abarquez Azcuna at Oliver Sy Tanseco.

Kilalang isa si Tarriela sa mga pinaka-vocal na opisyal ng pamahalaan kaugnay ng sigalot sa West Philippine Sea, at regular na nagbibigay ng briefing hinggil sa maritime incidents at operasyon ng Coast Guard.

Nauna siyang umani ng reaksiyon mula sa Beijing matapos ang kanyang presentasyon noong Enero 14 na may kalakip na caricatured images ni Chinese President Xi Jinping, na nagbunsod ng pormal na protesta mula sa Chinese Embassy.

Naglabas din noon ang Senado ng Resolution No. 256 na nilagdaan ng 15 senador na kumokondena sa umano’y tirada ng embahada.

Samantala, naglabas din ng resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Kalayaan, Palawan na nagdedeklarang persona non grata kay Chinese Ambassador Jing Quan, bilang simbolikong protesta sa patuloy na pagpasok ng China sa kanilang nasasakupan.

Kamakailan, ipinagdiwang ng PCG West Philippine Sea Transparency Group ang ikalawang anibersaryo nito kung saan binigyang-diin ni Tarriela ang mas pinaigting na pagbibigay ng beripikadong impormasyon at paglaban sa disinformation.

Sa hiwalay na pahayag, iginiit ni Tarriela na walang “toning down” sa paninindigan ng pamahalaan sa pagtatanggol sa soberanya at maritime rights ng bansa.

Binati rin siya ng WPS Transparency Group sa kanyang promosyon at pinuri ang kanyang pamumuno sa transparency campaign. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here