MANILA, Philippines — Nanawagan ang isang ahensya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa social media platforms, partikular sa Meta, na paigtingin ang pagbabantay laban sa paglaganap ng online baby selling at illegal adoption groups.
Ayon kay Assistant Secretary Rowena Macalintal ng National Authority for Child Care (NACC), mas pinaigting na nila ang koordinasyon sa Philippine National Police (PNP) at Women and Children Protection Center kaugnay ng dumaraming kaso.
“Na-flag po natin sa kanila lahat ng mga na-monitor nating online Facebook groups ng mga ampunan ng bata, Babies for Sale, at mga Online Adoption Page,” ani Macalintal sa panayam ng DZMM.
Gayunman, nilinaw niyang hindi maaaring agad i-total takedown ang lahat ng natukoy na grupo dahil may mga isinasagawang entrapment operations ang pulisya.
“Nanawagan ang PNP na huwag dapat total takedown, kasi meron silang ongoing active entrapment operations,” dagdag niya.
Batay sa kanilang monitoring, ibinebenta umano ang mga sanggol sa halagang mula P8,000 hanggang P130,000. May ilang grupo rin aniyang umaabot sa 13,000 ang miyembro.
Binigyang-diin ni Macalintal na may probisyon sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act na maaaring managot ang internet intermediaries kung sa pamamagitan ng “gross negligence” ay pinapayagan nilang magamit ang kanilang platform sa trafficking.
“Kaya ating panawagan is sana mas maging vigilant… make serious representations with Meta, para sana wala nang maki-create na groups,” aniya.
Iginiit din ng NACC na maaaring managot hindi lamang ang mga nagbebenta kundi pati ang mga bumibili, dahil ilegal ang online adoption sa Pilipinas.
Paliwanag ni Macalintal, umaabot lamang sa siyam na buwan ang legal na proseso ng adoption kung makukumpleto ang lahat ng requirements.
Hinimok din niya ang mga magulang na hindi kayang alagaan ang kanilang anak na lumapit sa NACC, DSWD o mga lisensyadong child care agencies upang matiyak ang ligtas at legal na solusyon para sa bata. RNT/JGC