VATICAN – Ang lihim na conclave na naghalal noong Mayo kay Pope Leo XIV bilang pinuno ng Simbahang Katolika ay nabulabog nang matagpuan ang isang kardinal na may dalang cellphone na isang paglabag sa seguridad, ayon sa isang bagong libro.
Ang mga kardinal ay nagtipon noong Mayo 7-8 noong nakaraang taon upang pumili ng kapalit ni Pope Francis.
Habang naghahanda ang 133 kardinal para sa unang boto sa Sistine Chapel ng Vatican na may jamming equipment upang maiwasan ng komunikasyon sa labas, nakitaan ng signal ng aktibong mobile connection.
Ayon sa “The Election of Pope Leo XIV”, isang kardinal ang natuklasang may cellphone sa bulsa na agad niyang isinuko matapos mag-ulat.
Sinabi ng mga may-akda na sina Gerard O’Connell at Elizabeth Pique na ang insidente ay “hindi kailanman nakita sa kasaysayan ng modernong conclaves.”
Bagamat may inaasahang kandidato mula sa Asia o Africa, ang front runner ay sina Cardinal Pietro Parolin at US Cardinal Roberto Prevost na nanalo bilang Pope Leo XIV matapos makuha ang 108 boto sa ikaapat na ballot.
Sa unang boto noong Mayo 7, nakakuha si Prevost ng 20-30 boto habang si Cardinal Luis Antonio Tagle ay nakakuha ng mas mababa sa 10 boto.
Sa ikaapat na boto noong Mayo 8, nanalo si Prevost na may 108 boto. Jocelyn Tabangcura-Domenden