ISINUSULONG ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang modernisasyon sa proseso ng pagpasa ng Construction Safety and Health Program (CSHP) sa pamamagitan ng digitalization, alinsunod sa bagong labas na Labor Advisory No. 03, Series of 2026. Layunin ng inisyatibong ito na mapabilis ang mga pamamaraan at mapatibay ang pagsunod sa mga regulasyon sa sektor ng konstruksyon.
Alinsunod sa pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga Pilipino at itaguyod ang mas ligtas na mga lugar-paggawa, tinitiyak ng bagong Labor Advisory na ang mga mahahalagang proteksyong pangkaligtasan ay mahigpit na maipatutupad bago pa magsimula ang anomang aktibidad sa konstruksyon.
Sa ilalim ng advisory na ito, ang mga kontraktor, subkontraktor, o mga may-ari na direktang nagpapatakbo ng mga proyektong residensyal o maliliit na komersyal na gusali ay kailangan nang ihanda at isumite ang kanilang CSHP sa pamamagitan ng DOLE Online Compliance Portal sa https://reports.dole.gov.ph/. Kinakailangan din nilang agad na tugunan ang anumang kakulangang makikita sa kanilang mga isinumite.
“Nakatuon kami sa paggawa ng compliance na mas madali at mas transparent para sa lahat ng stakeholder,” pahayag ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma.
“Ang digitalization ng CSHP submission ay hindi lamang nagpapabilis sa proseso, kundi nagpapatibay din sa ating pangako na pangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa sa konstruksyon sa buong bansa.”
Makatatanggap ang mga aplikante ng mga abiso, kabilang ang pagkilala sa pagtanggap ng kanilang nakumpletong CSHP, sa pamamagitan ng kanilang mga rehistradong email address.
Binigyang-diin ng Kagawaran na ang pagpasa, pagsusuri, pagproseso, at pag-apruba ng CSHP ay walang bayad. Mariing pinapayuhan ng DOLE ang publiko na huwag gumamit ng mga “third party” sa paghahanda o pagpasa ng programa upang maiwasan ang hindi nararapat na gastos at matiyak ang kredibilidad ng dokumento.
Sa sandaling matanggap ang email confirmation ng kumpletong pagsusumite ng CSHP, ang mga aplikante ay kinakailangang mag-print ng kopya ng programa, magsagawa ng mandatoryong oryentasyon gaya ng itinakda sa Department Order No. 252, Series of 2025, at ipaskil ang CSHP sa isang lugar na madaling makikita ng lahat ng manggagawa.
“Ang digital shift na ito ay bahagi ng aming mas malawak na pagsisikap na pagbutihin ang paghahatid ng serbisyo at panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng kaligtasan ng mga manggagawa,” dagdag pa ni Secretary Laguesma.
“Hinihimok namin ang lahat ng project administrator na sumunod agad at tulungan kaming bumuo ng mas ligtas na mga lugar-paggawa.”
Ang kautusang ito ay pumapalit sa Labor Advisory No. 06, Series of 2023, na nagpapatunay sa patuloy na dedikasyon ng DOLE sa pagprotekta sa mga karapatan at kapakanan ng mga manggagawa at sa paggamit ng mga digital platform para mapabuti ang mga proseso ng regulasyon.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang website ng DOLE o makipag-ugnayan sa pinakamalapit na DOLE Regional Office.






