UMIINIT ang pagdinig sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte habang nakabitin ang mabigat na alegasyon na ang ilan sa mga nag-iimbestiga ay nadadawit sa diumano’y “maleta” bribery scandal na nagkakahalaga ng P805 bilyon na kickback na inuugnay kay Pangulong Bongbong Marcos at ilang mambabatas.
Ang ganitong ulat, totoo man o hindi, ay sapat upang wasakin ang tiwala ng publiko sa integridad ng proseso.
Hindi matibay ang isang paglilitis kung ang mga humahawak ng timbangan ay may sariling anino ng katiwalian. Ang kredibilidad ang unang puhunan ng impeachment. Kapag ang mismong nag-uusig ay dapat ding usigin, nababahiran ng duda ang bawat tanong, bawat testigo, bawat resolusyon.
Lumalakas ang hinala ng taumbayan na ang proseso ay maaaring gamiting sandata sa pulitika imbes na instrumento ng pananagutan.
Kasabay nito, nananatiling nakabinbin ang mas malalaking isyung may direktang tama sa sambayanan. Sumisiklab ang tensyon sa Gitnang Silangan kung saan milyon ang overseas Filipino workers na umaasa sa malinaw at maagap na plano ng pamahalaan para sa kanilang kaligtasan at repatriation.
Sa nakalipas na krisis, nagkaroon ng agarang koordinasyon sa Kongreso para sa paghahanda ng pondo at mekanismo ng paglikas. Ngayon, mas malakas ang panawagan para sa konkretong hakbang kaysa pawang pangakong aksyon.
Nakatambang din ang banta ng pagtaas o kakulangan sa suplay ng langis. Umaasa ang Pilipinas sa inaangkat na krudo mula sa rehiyong apektado ng digmaan. Kapag sumirit ang presyo ng langis, domino ang epekto nito sa pamasahe, pagkain, kuryente at kabuhayan. Ang food security ay usapin ng pambansang seguridad; ang ekonomiyang sugatan ay hindi kakayanin ang panibagong dagok.
Habang nakatuon ang kamera sa impeachment, hindi dapat malihis ang atensyon sa pananagutan sa bawat pisong pondo ng bayan at sa paghahanda laban sa krisis na maaaring yumanig sa bansa.
Gising ang publiko sa anomang pagtatangkang gamitin ang proseso para sa pansariling interes. Ang pamahalaan ay inaasahang maglatag ng malinaw na direksyon, malinis na imbestigasyon at konkretong plano para sa seguridad at kabuhayan ng mamamayan






