Home OPINION BABALA PERO WALA PA

BABALA PERO WALA PA

188
0

NAGBABALA ang gobyerno partikular na ang Department of Energy na sisirit ang presyo ng petrolyo dahil sa digmaan sa pagitan ng mga bansang Iran at Amerika na kasabwat ng Israel.

Sa lalong madaling panahon ay tinatayang nasa P5.00 hanggang P10.00 ang biglang pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina kaya marami na sa ating mga kababayan ang ngayon pa lang ay nagpakarga na ng petrolyo.

Tila ‘panic buying’ subalit hindi pa iyan. Pansamantalang solusyon lamang ang ganitong naisip ng ating mga kababayan dahil mauubos din ang pinakarga kaya muli itong bibili ng petrolyo sa mas pinataas na presyo dahil sa epekto ng naturang digmaan sa Gitnang Silangan.

May babala o mga panawagan ang gobyerno na magtipid sa mga panahon na ito habang nagaganap ang digmaan. Mayroon pang nagmamagaling na alkalde na magbabawas ng paggamit ng mga sasakyan upang makatipid sa petrolyo. Iyon talaga ang solusyon, Mayor?

Kahit simpleng mamamayan sa buong mundo ay nagsasabing daranas ng kahirapan ang buong mundo dahil sa digmaan na ito lalo na yung mga bansang tulad ng Pinas na kabilang sa tinatawag na ‘Developing Country’ o sa madaling salita ay mga pobre.

Marami nang babala, marami nang mga pahayag mula sa ating gobyerno pero wala pang malinaw o kongkretong aksyon bilang paghahanda sa negatibong epekto ng digmaan na tiyak na lalong magpahihirap sa taumbayan.

Wala pa tayong nakikita na nagpulong ang mga opisyal ng gobyerno upang talakayin ang mga aksyon samantalang unang mga araw pa lamang ng bombahan sa Iraq at ibang bansa ay naramdaman na agad ang hagupit nito sa ating ekonomiya.

Ang mga naiipit na mga kababayan natin doon na gusto nang umuwi, may malinaw na bang aksyon o plano man lang kung paano isasagawa ito? Naalala ko tuloy si dating Secretary Roy Cimatu nang pangunahan nito ang paglikas ng mga Pinoy noong may digmaan sa Gitnang Silangan.

Malinaw ang utos noon ng Pangulo na agad gumawa ng plano at taktika ang Cimatu upang makauwi ang kababayan natin na naipit sa digmaan. Hindi pwede na ihayag na lang na mahirap gawin na tila wala nang magagawa ang gobyerno.

Naghihintay pa rin ang taumbayan kung sususpindehin ang pagsingil sa excise tax ng mga produktong petrolyo… talaga naman! Nasaan na yung mga bibong ekonomista ng administrasyong Marcos Jr.?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here