Home OPINION KORAPSYON RESULTA NG KUTSABAHAN

KORAPSYON RESULTA NG KUTSABAHAN

164
0

PINAPLANTSA nang Tanggapan ng Ombudsman ang pagtatalaga ng mga tauhan at opisyal sa mga lungsod at munisipalidad sa buong kapuluan upang bantayan ang mga proyektong posibleng bahiran ng anomalya, lalo na ang mga imprastraktura.

Layunin ng hakbang na ito na agad imbestigahan ang mga palpak na flood control project na kung hindi man “ghost project” ay substandard ang pagkakagawa—mga proyektong kadalasang nagiging daluyan ng pangungurakot sa pondo ng bayan.

Kapag may nakatalagang Resident Ombudsman sa isang lokal na pamahalaan, mas magiging madali para sa mga mamamayan ang direktang paghahain ng reklamo. Sa ganitong paraan, mas mabilis mamomonitor at masusuri kung alin sa mga proyekto ang lehitimong serbisyo at alin ang ginagawang gatasan ng ilang tiwaling opisyal.

Isang positibong hakbang ito mula kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla. Alam ng marami na isa sa mga dahilan kung bakit nakalulusot ang katiwalian ay ang kakulangan sa agarang pagbabantay at ang panghihina ng loob ng mga nagrereklamo dahil sa mabagal na proseso.

Kung may residenteng kinatawan ang Ombudsman sa mismong lugar, tiyak na magdadalawang-isip ang mga may balak mangurakot. Ang presensya pa lamang ng nagbabantay ay sapat nang magsilbing babala.

Ngunit hindi rin maikakaila ang kulturang “ningas-kugon” na madalas bumibigo sa magagandang plano. Sa simula ay masigasig, ngunit kalaunan ay napaiilalim din sa sistema—at kung minsan, natutuksong makisabay sa agos.

Hindi ba’t may mga auditor din ang Commission on Audit na nakatalaga sa mga lokal na pamahalaan upang suriin ang paggastos ng pondo? Sa papel ay malinaw ang kanilang tungkulin, ngunit sa aktuwal, may mga pagkakataong nasasangkot din sa pakikipagsabwatan, lalo na sa antas ng barangay.

Dito pumapasok ang problema ng pamilyarisasyon. Kapag tumatagal sa iisang lugar ang nagbabantay, nagiging malapit sa mga binabantayan—hanggang sa tuluyang mawala ang pagiging mahigpit at sa huli maging kakutsaba pa.

Batid ito ni Remulla, na may karanasan din sa lokal na pamahalaan. Kaya’t isa sa mga nakikitang solusyon ay ang regular na pag-ikot o reassignment ng mga resident ombudsman upang maiwasan ang paglalim ng personal na ugnayan na maaaring magbukas ng pintuan sa katiwalian.

Maganda ang plano. Ngunit ang tunay na hamon ay ang pagpapanatili ng integridad at konsistensi sa pagpapatupad. Sapagkat gaano man kaganda ang sistema, kung ang magbabantay ay madurungisan din, babalik at babalik tayo sa parehong suliranin—at ang talo, gaya ng dati ay ang taumbayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here