Home NATIONWIDE Isko may babala sa mga abusadong gasolinahan

Isko may babala sa mga abusadong gasolinahan

145
0

MANILA, Philippines – NAGSAGAWA ng sorpresang inspeksyon si Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso sa isang gasolinahan sa Santa Cruz, Maynila nitong Huwebes ng umaga upang tiyaking hindi inaabuso ng mga fuel retailer ang pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Ayon kay Domagoso, layunin ng inspeksyon na matiyak na sumusunod ang mga gasolinahan sa itinakdang price adjustment ng Department of Energy habang patuloy na tumataas ang presyo ng langis sa world market.

Mariin ding nagbabala ang alkalde sa mga negosyanteng maaaring magsamantala sa sitwasyon. Giit niya, hindi niya papayagan ang anumang uri ng pananamantala na makakaapekto sa mga konsyumer.

“I will not allow abuse sa part at maapektuhan ang consumer,” pahayag ni Yorme Isko habang kinakausap ang mga tauhan ng gasolinahan.

Ipinaliwanag ng alkalde na dapat eksaktong sundin ng mga fuel retailer ang aprubadong taas-presyo sa mga pump. Aniya, kung dalawang piso lamang ang dagdag, dalawang piso lang din ang dapat na itaas.

“‘Pag tumaas ang dalawang piso, dalawang piso lang. ‘Pag limang piso, limang piso lang. Walang mag-aabuso at walang mananamantala,” diin pa ni Yorme.

Dagdag ni Domagoso, patuloy na babantayan ng pamahalaang lungsod ang mga gasolinahan upang matiyak na tama ang sukat ng mga metro at hindi lalampas sa pinahihintulutang price increase ng gobyerno.

Binigyang-diin din ng alkalde na ang pagnenegosyo sa Maynila ay isang pribilehiyo lamang na ibinibigay ng lokal na pamahalaan at maaaring bawiin kung ito ay maaabuso.

Samantala, inanunsyo rin ni Yorme na inaasahang makakatanggap ng tig-₱5,000 ayuda ang mahigit 10,000 tricycle drivers sa Maynila sa susunod na linggo sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), habang susunod namang tutulungan ang mga jeepney, taxi, TNVS, rider at bus drivers na apektado ng taas-presyo ng krudo. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here