MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian sa agarang pamimigay ng subsidiya sa langis para sa mga magsasaka at mangingisda sa gitna ng patuloy na tunggalian sa Middle East na nagresulta sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act, kabuuang P75 milyon ang inilaan sa Department of Agriculture para sa tulong sa langis ng mga magsasaka kaugnay ng paggamit ng mga postharvest facilities at iba pang kagamitang pansaka.
Karagdagang P75 milyon naman na subsidiya rin sa langis para sa mga mangingisda ang inilaan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Binigyang-diin ni Gatchalian na dahil nananatiling hindi nagagamit ang mga pondong ito sa taong 2025, maaari itong ipamahagi bilang continuing budget.
Dagdag pa niya, maaaring kumuha ang pamahalaan ng karagdagang pondo mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) kung kinakailangan.
“Ang maagang paglalabas ng subsidiya ay magbibigay ng kagyat na tulong pinansyal sa mga pinaka-apektadong sektor sa bansa sa gitna ng inaasahang pagtaas ng mga gastos sa operasyon,” ani Gatchalian.
Punto pa ni Gatchalian, ang mga subsidiya sa langis para sa mga magsasaka at mangingisda ay makatutulong upang matiyak ang sapat na suplay at makatuwirang presyo ng mga pangunahing bilihing pagkain.
“Kung matutulungan natin sa lalong madaling panahon ang ating mga magsasaka at mangingisda, magiging malaking bagay ito para masigurong maayos ang presyo at suplay ng pagkain sa bansa,” aniya. Ernie Reyes