MANILA, Philippines – Nadiskubre ng mga tauhan ng Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) ang isang abandonadong parcel na naglalaman ng 497 piraso ng pinaghihinalaang ecstasy nitong nakaraang Martes sa Domestic Road, Pasay City.
Sa ulat ng IADITG, nadiskubre ang abandonadong parcel na naglalaan ng pinaghihinalaang ecstasy dakong ala 1:00 ng umaga sa Central Mail Exchange Center (CMEC), Domestic Road, Pasay City.
Sa isinagawang inspeksyon ay umabot sa 497 piraso ng tabletang ecstasy ang nadiskubre sa loob ng naturang parcel na nakalagay sa dalawang self-sealing foil pouch at nagkakahalaga ng P844,900.
Ang naturang inbound parcel ay idineklarang “game” na ipinadala ng isang Harry Muffin ng 6 Parkland Crescent Bentley Doncaster South Yorkshire DN5 OAJ United Kingdom at naka-consign sa isang Salvacion Astillero ng 2650 Conchu Street, San Andres Manila City.
Makaraan ang pagkakadiskubre ng hinihinalang ecstasy tablets ay dinala ito sa PDEA Laboratory Service para isailalim sa laboratory examination.
Ang mga nasasangkot sa pagkakadiskubre ng ipinagbabawal na droga ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 Art. Il ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Ang IADITG ay binubuo ng mga operatiba na pinangungunahan ng PDEA RO NCR kabilang ang Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF); PNP Aviation Security Group (AVSEG); Airport Police Department (APD); PNP Drug Enforcement Group (DEG); National Bureau of Investigation (NBI); at ng Bureau of Immigration (BI). (James I. Catapusan/ larawan ni Jimmy Hao)