Home OPINION PRESYONG NAPAKATAAS SA SUPLAY NA SAPAT?

PRESYONG NAPAKATAAS SA SUPLAY NA SAPAT?

131
0

WALANG dapat ikabahala, ito ang paniniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa suplay ng langis sa bansa dahil aniya, ito ay sapat.

Ayon sa Pangulo, mayroong inventory na aabot ng humigit-kumulang 45 araw at patuloy ang paghanap ng pamahalaan para sa karagdagang supplier. Ganyan din ang pahayag noon guna ng Palasyo at Department of Energy na may sapat na suplay para sa 50 hanggang 60 araw.

Pero hindi pa lumilipas ang isang linggo, abot langit na kaagad ang presyo ng mga produktong petrolyo. Marami tulong ang nagtatanong kung sapat ang suplay, bakit patuloy ang matinding pagtaas ng presyo?

Hindi maliit na galaw ang pinag-uusapan. Ayon sa datos ng Mean of Platts Singapore, posibleng sumirit ang diesel ng P11 hanggang P12 kada litro at magtutulak sa presyong hanggang P146.3 kada litro. Sa kasalukuyan pa lamang, ramdam na ng mga motorista at commuter ang sunod-sunod na dagdag-presyo. Kung walang kakulangan sa suplay, bakit tila walang preno ang pagmahal ng bilihin at pagtaas ng pasahe?

Dalawa lang ang lohikal na paliwanag. Una, kung totoo ngang sapat ang suplay, malinaw na presyo ang problema at posibleng may nagaganap na pananamantala sa merkado. Sa ilalim ng oil deregulation, malaya ang mga kompanya na magtakda ng presyo batay sa pandaigdigang galaw. Ngunit sa ganitong sitwasyon, nasaan ang mahigpit na pagbabantay ng pamahalaan?

Hindi ba’t tungkulin ng gobyerno na hindi maabuso ang mamamayan?

Ikalawa, kung hindi naman pananamantala, maaaring hindi buo ang katotohanan sa pahayag ng gobyerno. Kung tunay na sapat ang suplay, dapat may katumbas itong kontrol o kahit pagbagal man lamang sa pagtaas ng presyo.

Ngunit ang nakikita ng publiko ay kabaliktaran dahil sunod-sunod na pagtaas na tila walang katapusan. Kaya hindi maiiwasang magduda ng taumbayan kung sapat nga ba ang suplay, o pinapakalma lamang ang mamamayan?

Mas lalong nakalilito ang deklarasyon ng “national energy emergency.” Kung walang krisis sa suplay, bakit kailangang ideklara ang emergency? Hindi ba’t malinaw itong indikasyon na may seryosong problema na dapat harapin, hindi itanggi?

Sa huli, hindi sapat ang panawagang “huwag mag-panic.” Ang kailangan ng mamamayan ay malinaw na paliwanag at konkretong aksyon. Kung presyo ang problema, sugpuin ang pananamantala. Kung suplay ang isyu, maging tapat sa tunay na kalagayan.

Dahil sa bawat pisong idinadagdag sa presyo ng langis, hindi lamang gasolina ang nasusunog kundi ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here