MANILA, Philippines — Pinaigting ng Department of Agriculture (DA) ang targeted procurement ng sibuyas upang suportahan ang mga lokal na magsasaka na nahaharap sa pagbaba ng farmgate prices.
Isinasagawa ang hakbang sa pamamagitan ng Food Terminal Inc. (FTI) katuwang ang pribadong sektor, partikular sa Occidental Mindoro na may mataas na produksyon ng sibuyas.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., layunin ng programa na mapanatili ang balanse sa pagitan ng kita ng mga magsasaka at proteksyon sa mga konsyumer laban sa biglaang pagtaas ng presyo.
“We must strike a careful balance – ensuring farmers earn fairly while protecting consumers from price spikes,” aniya.
“Strategic buying and storage allow us to support producers during periods of oversupply, while preserving enough buffer to prevent sharp increases in retail prices,” dagdag pa niya.
Nakapag-procure na ang mga pribadong mamumuhunan ng humigit-kumulang 6,000 sako ng sibuyas sa Occidental Mindoro sa presyong PHP32 hanggang PHP35 kada kilo, mas mataas kumpara sa kasalukuyang PHP22 kada kilo na farmgate price at naaayon sa production cost na PHP18 hanggang PHP24 kada kilo.
Ayon kay FTI Sales and Distribution Manager Edoard Medalla, hinihikayat nila ang mas aktibong partisipasyon ng pribadong sektor bagama’t limitado ang direktang interbensyon ng gobyerno.
“We cannot guarantee we will buy all production, but we will try to support prices around PHP35 a kilo, depending on quality and storage availability,” ani Medalla.
Tinatayang aabot sa 3.2 milyong sako ang produksyon ng sibuyas sa Occidental Mindoro. Nakipag-ugnayan din ang DA sa mga eksperto mula Nueva Ecija upang matiyak ang maayos na imbakan at kalidad ng ani.
“This is the first time we entered the onion market in Mindoro, so we have to rely on experts we have engaged in Nueva Ecija to maintain quality,” dagdag ni Medalla.
Sa Nueva Ecija, nasa 110,000 sako na ang nabili sa average na PHP40 kada kilo, suportado ng 190,000-bag cold storage capacity ng FTI. Santi Celario