Home METRO Libreng Sakay sa Maynila itutuloy ngayong Lunes — Yorme Isko

Libreng Sakay sa Maynila itutuloy ngayong Lunes — Yorme Isko

131
0

MANIAL, Philippines – Inanunsyo ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na muling ipatutupad ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang programang “Libreng Sakay” upang muling makapagbigay ng libreng sakay sa mga commuter sa anim na distrito ng lungsod, ngayong araw ng Lunes, Abril 6.

Sa kanyang opisyal na Facebook page, hinikayat ng alkalde ang mga pasahero na hanapin ang mga jeepney na may tarpaulin na “Libreng Sakay” o lumapit sa mga enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nakatalaga sa mga rutang sakop ng programa.

Ayon kay Yorme, maaaring kilalanin ang mga kalahok na jeep sa pamamagitan ng kanilang tarpaulin o sa presensya ng mga MTPB enforcer na kasama ng mga tsuper sa biyahe.

Kasabay ng anunsyo, inilabas din ang listahan ng mga rutang sakop ng programa.

Ang pagbabalik ng Libreng Sakay ay kasunod ng matagumpay nitong unang linggo, kung saan umabot sa kabuuang 308,738 pasahero ang napagsilbihan sa unang dalawang araw ng operasyon noong Marso 30 at 31.

Ang programa ay inilunsad sa ilalim ng Executive Order No. 14, series of 2026, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at upang magbigay ng tulong pinansyal sa sektor ng transportasyon.

Sa ilalim ng programa, sinasagot ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang arawang kita ng mga tsuper at operator ng jeepney, upang matiyak ang kanilang kita habang libre namang nakasasakay ang mga pasahero.

Mula sa orihinal na subsidiya na ₱3,000 kada araw, itinaas ito sa ₱3,500 noong Marso 31 matapos ang ₱12 na pagtaas sa presyo ng krudo na nakaapekto sa kita ng mga tsuper.

Ang dagdag na ₱500 ay nagmula sa ₱661,000 na natipid sa unang araw ng operasyon, na piniling ilaan ng alkalde sa mga tsuper sa halip na ibalik sa kaban ng lungsod.

Ayon kay Domagoso, layunin ng programa na makinabang ang apat na sektor—ang mga operator na may garantisadong boundary, ang mga tsuper na tumaas ang kita mula ₱200–₱300 patungong hindi bababa sa ₱1,000 kada araw, ang mga gasolinahan na may tiyak na demand sa krudo, at ang mga commuter na libre ang pamasahe.

Tinatayang mahigit 1,400 jeepney ang lalahok sa programa, na inaasahang makapagsisilbi sa humigit-kumulang 100,000 pasahero kada araw.

Aminado ang alkalde na aabot sa tinatayang ₱20 milyon ang kabuuang gastos para sa limang araw na operasyon, na magmumula sa pondo ng lungsod.

Gayunman, iginiit niyang ito ay isang “pantawid” na hakbang upang makatulong sa gitna ng limitadong tulong mula sa pambansang pamahalaan, at naniniwala siyang sapat ang lawak ng benepisyo nito upang bigyang-katwiran ang paggasta.

Orihinal na nakatakdang tumagal ang programa sa loob ng dalawang linggo—Lunes at Martes sa unang linggo, at Lunes hanggang Miyerkules sa ikalawang linggo—na maaaring palawigin depende sa pondo.

Ang muling pagpapatupad ngayong Lunes ay bahagi ng huling linggo ng operasyon ng programa sa kasalukuyang istruktura nito. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here