TINODAS ng social media si United States President Donald Trump sa mga araw na ito.
Lumabas ito sa isang account na Mecha News na naglabas ng Breaking News na nagsabing “Donald Trump is repotedly dead, according to several sources close to the President.”
May nagsabi namang isang “Woke Former Senator@WokeMitt” ng “Now I’m convinced that Trump is actually dead and they’re hiding it from us.”
Nauna rito, sa Mecha News, may pagpapaalam na hindi muna pupwedeng lalabas at magsasalita si Trump.
May account ding nagsabi na itinakbo si Trump sa Walter Reed Hospital, isang military hospital.
Nagaganap lahat ng ito sa sinasabi ng iba na may dalawang araw nang hindi nagpapakita si Trump sa publiko.
Ito’y makaraang magbanta ang Pangulo na sisirain nito ang lahat ng planta ng kuryente at langis at mga mahahahalagang tulay sa buong Iran kung nito hindi bubuksan ang Strait of Hormuz na isinara nito laban sa US, Israel at iba pa.
Inilabas lahat ng Oneindia news ang mga haka-haka at hindi beripikadong kamatayan o seryosong kalagayan ni Trump.
PANGULONG BONGBONG MARCOS PINATAY NA RIN
Nangyari na rin sa Pinas ito sa kaso ni Pangulong Bongbong Marcos kamakailan.
Biglang sumabog na patay na siya nang magpagamot siya sa sakit sa bituka at makaraang hindi magpakita sa ilang pulong na dapat niyang daluhan maging sa Malakanyang.
May mga doktor na magkakaiba ang sinasabi.
Halimbawa, nakamamatay umano ang sakit ng Pangulo habang sinasabi naman ng iba na pwedeng gamutin ang sakit.
May humiling na nga ng “proof of life” nang hindi magpakita sa ilang miting.
Pero makaraan ang ilang araw, lumabas ang Pangulo na tatawa-tawa sa pagpatay sa kanya sa social media.
At sinabi nitong hindi nakamamatay ang kanyang sakit.
NAGKALAT NA FAKE NEWS
Kahit fake news o totoong balita ang mga katulad na balita sa social media, nakakakaba rin.
Sa simula kasi, hindi mo alam kung totoo o hindi ang mga nasabing balita.
Lalo’t Pangulo ng bansa ang pinagdidiskitahan na patayin sa social media.
Sa totoo lang, sa Pilipinas, marami ang interesado sa mga balitang pagkamatay ng isang Pangulo o pagkabaldado nito sa sakit o pag-resign kaya nito.
Ito’y dahil sa matinding agawan sa kapangyarihan at yaman ng pamahalaan at bansa.
Higit na nakararami ang gustong mapwesto upang magpayaman sa halip na itodo ang paglilingkod-bayan bilang trabahante at tagapagtanggol ng sambayanan.
At sila ang higit na interesado.
Nababaliw nga sila sa katulad ng trilyong nakawan sa flood control program.
Kahit na nga may imbestigasyon sa mga iskandal at pagkakaso sa mga pinaniniwalang sangkot, anak ng tokwa, naririyan pa rin ang kagustuhang magnakaw at sampol dito ang akusasyon na may mga bilyon-bilyong insertion pa rin sa 2026 pambansang badyet para pagkukuwartahan.
At ang mga pinakamataas na pwesto ang tinatarget dahil pinaniniwalaan nilang hindi basta sila mademanda kundi ma-impeach lamang na kaya nilang lusutan kung hawak nila ang mga kongresman at senador.
Mabibilang lang sa daliri ang mga pinuno na tunay na nagbubuhos ng kanilang buhay sa paninilbihan sa bayan nang walang pag-iimbot.






